Kuweba sa North Cotabato nababalot daw ng ginto?

Screenshot mula sa KMJS video
  • Natuklasan sa isang kuweba sa North Cotabato ang tila alikabok na kumikinang na parang ginto
  • Pinaniniwalaan ng mga residente na ang natuklasan ay bahagi ng mga gintong itinago raw ng mga hapon noong unang panahon
  • Sinuri ng mga geologists ang “ginto” at natuklasang “actinomycete” ang mga iyon

Pinaniniwalaan ng mga residente ng Tulunan, North Cotabato ang kuwentong bayan na nagpasalin-salin na sa haba ng panahon na may mga nakabaong ginto sa loob ng isang kweba sa kanilang lugar.

Screenshot mula sa KMJS video

“Noong unang panahon ‘yung mga hapon, nilalagyan po nila ng mga ginto d’yan, nililibing nila,” sabi sa Kapuso Mo,Jessica Soho ng isang residente.

Noong nakaraang linggo, ay nakapasok ang isang grupo ng mga magkakabarkada sa kaloob-looban ng kuweba at sa kauna-unahang pagkakataon ay na-videohan ang mga pinaniniwalaang bahagi ng yamang nakatago sa loob niyon.

Makikita sa video ang kumikinang na kulay gintong nakadikit sa mga bato ng kuweba.

Nagkayayaan umano ang magkakaibigan na mag-swimming sa falls. Napansin nila sa gilid ng talon ang bunganga ng kuweba at nagpasyang pasukin iyon. Doon na tumambad sa kanila ang tila alikabok na kumikinang na parang ginto.

Hindi raw nila naisip na kumuha kahit kaunti lang dahil yaman daw iyon ng kanilang munisipyo.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa isang residente na matagal nang nakatira ilang metro lang ang layo mula sa kuweba, noon pa niya napapansin ang tubig sa loob ng kuweba ay parang kumikinang. Kuwento raw ng mga matatanda, may mga ginto sa kaloob-looban niyon. May ilan na rin daw tumingin doon ngunit wala namang nakita.

Naniniwala ang kapitan ng barangay na ginto ang na-videohan lalo na’t ilang kilometro lang mula roon ang dating gold drilling site.

Screenshot mula sa KMJS video

Kasama ang mga taga-barangay at munisipyo, binalikan ng KMJS team ang kuweba. May kasama rin silang geologists o mga eksperto sa mga bato at precious metals na susuri kung ginto nga ba ang nakita sa video.

Matapos ang pagsusuri sinabi ng mga eksperto na ang mga malagintong alikabok na nakadikit sa mga bato sa loob ng kuweba ay “actinomycete” na isang uri ng bacteria na kulay dilaw at kumikinang dahil hindi nasisikatan ng araw.

Screenshot mula sa KMJS video

Sabi ng isang opisyal ng barangay, maaari daw nilang i-develop ang lugar para maging tourist site dahil ang tunay na yaman ng kanilang komunidad ay ang kalikasan na ang angking ganda ay hindi matutumbasan ng ginto.

Nais n’yo tin bang silipin ang loob ng kuweba? Narito ang video na ibinahagi ng Kapuso channel via YouTube:

Source :

YouTube

Loading…