“Laban lang kasi wala na kaming makain”: Hipon Girl tuloy ang pagtanggap ng raket

Image capture from video by Wowowin via YouTube | Herlene Budol via Instagram
  • Alam ni Hipon Girl na pakikipagsapalaran ang pagsali sa taping dahil sa nariyan pa rin ang COVID-19
  • Pero kailangan niyang kumayod para sa pamilya
  • Aniya, “Laban lang kasi wala na kaming makain”

Aminado si Herlene “Hipon Girl” Budol na medyo delikado ang pagsali sa mga taping ngayon lalo na’t nariyan pa rin ang COVID-19 pero kailangan niyang kumayod para sa pamilya. Wala rin daw katiyakan kung kailan o kung makababalik pa siya sa Wowowin, dahil sa hindi muna siya napapanood sa programa bunsod ng pandemya.

Image by Herlene Budol via Instagram

Wika ni Herlene sa PEP, laban lang kasi wala na silang makain at kung hindi man siya umano matuluyan sa COVID, baka sa gutom siya malagutan.

Pagkukuwento pa niya, hindi niya maiwasang mag-alala dahil nawalan siya ng trabaho kaya’t malaki ang pasasalamat niya at nabigyan siya ng acting raket sa Wish Ko Lang!. Iniisip umano niya ang kalagayan ng kanyang senior citizens na lolo at lola pero kailangan talaga niyang kumita.

Sabi niya, “Pero siyempre, sa tulong din ng pagdadasal nakuha naman… na hiningi kong tulong din. Nakaraos naman po, salamat sa Wish Ko Lang!.”

Gusto raw ni Herlene na makabalik siya sa Wowowin lalo pa’t mas malaki ang kinikita niya rito at ito rin ang nagpasikat at nagbigay sa kanya ng magandang karera sa entertainment industry.

Lumaki siyang raketera at pinapatulan ang trabaho kahit P100.00 lamang sa isang araw, pero nagbago ang lahat nang madiskubre siya ni Willie Revillame.

“So, siyempre, mas malaki po yung sinasahod ko sa Wowowin dati, kaya parang may ipon po akong konti.

Image by Herlene Budol via Instagram

“Paano kung di ako napasok sa Wowowin? Malamang ngayon… ngayon nga wala na kaming makain.”

“Hipon Girl” ng Wowowin, unang acting project ang OFW story sa Magpakailanman

Simula nga nang madiskubre ay nagkaroon na rin ng maraming TV appearances si Hipon Girl sa mga GMA shows. Pinakauna rito ang pagganap sa papel ng isang OFW sa isang episode ng Magpakailanman.

Nakagawa na rin siya ng sariling single, ang nakaka-LSS na “Talikodgenic Daw Ako” na gawa ng kilalang novelty composer na si Lito Camo.

Panoorin ang Talikodgenic Daw Ako sa ibaba, video mula sa Wowowin YouTube account:

Loading…