Live-in couple tiklo sa ilegal na online bingo

Screenshot mula sa video ng 24 Oras
  • Tiklo ang mag-live in partners na nagpapa-bingo online
  • Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng mga suspek na naaktuhan sa aktwal na online pabingo
  • Ang operasyon ng mga awtoridad ay batay sa reklamo ng PAGCOR

Nasakote ng mga awtoridad ang isang live-in couple sa Quezon City dahil sangkot ang mga ito sa ilegal na pa-bingo online.

Screenshot mula sa video ng 24 Oras

Ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ginagawa ng mag-partner ang online bingo sa pamamagitan ng livestreaming sa isang Facebook group na tinatawag na Ate Girl’s Online Pabingo.

Sa bisa ng search warrant ay sinalakay ng mga operatiba ng PNP-ACG ang bahay ng mga suspek sa Tandang Sora sa naturang siyudad at naaktuhan ang ginagawang online pabingo noong Huwebes, September 17. Kinilala ang mga ito bilang sina April Vanessa Grace Villanueva Magan at Anthony Torres.

Ang operasyon ay ikinasa dahil sa reklamo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Batay sa ulat ng mga awtoridad, ibinebenta ng mga suspek sa halagang P20 ang bawat bingo card at ang premyo ay umaabot sa P100,000.

Screenshot mula sa video ng 24 Oras

Malakasan ang online pabingo sa Facebook group na mayroong mahigit 75,000 followers o members na ang iba ay nagsisilbi na rin nilang mga tauhan sa ilegal na operasyon. Sa isang gabi ay kumikita umano ang mga suspek ng hindi bababa sa isangdaang libong piso.

Nagbabala naman ang pulisya na sana ay huwag nang tangkilikin ang mga ilegal na online sugalan. Magsilbi raw sanang babala ang pagkakahuli sa mga suspek.

Screenshot mula sa video ng 24 Oras

“’Yung pagkaka-aaresto ni Ate Girl Bingo will serve as a warning to others. So ‘wag na nila tangkilikin pa, ‘yung mga followers ‘wag na nila tangkilikin ‘yung mga illegal online gambling activity,” sabi Col. Ramon Rowue Gamboa, ang hepe ng PNP-ACG Cyber Response Unit.

Tumangging magbigay ng kanilang pahayag ang mga suspek na nahaharap sa mga kaso.

Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…