Maagang set up ng mga tindahan ng bibingka, puto bumbong sa Bulacan naghatid ng good vibes

  • Miss mo na ba ang bibingka at puto bumbong?
  • Iyan ang itinampok ng isang netizen sa Bulacan
  • Good vibes ang hatid nito sa mga netizens dahil sa “Pasko feels” na hatid nito

Sa pagpasok ng “Ber Month,” marami sa mga Pilipino ang nakaramdam ng pagkasabik dahil hudyat ito ng unti-unting pagdating ng isa sa mga pinakainaabangang pagdiriwang sa Pilipinas, at mga bansang Kristiyano- ang pagdiriwang ng Kapaskuhan o kapanganakan ni Hesukristo.

Bukod sa mga simbolo ng Pasko gaya ng Christmas tree, Christmas lights, parol at iba pa, isa sa mga hudyat na papalapit na ang pagdiriwang ay ang pagsulpot ng mga tindahang nagtitinda ng bibingka at puto bumbong sa mga lansangan at panulukan. Kagaya na lamang sa itinampok ng Facebook post ng netizen na si “Carlo Lumitap Santos” sa Bulacan.

Imahe mula sa Facebook account ni Carlo Santos

Ipinamalas ni Santos na tila maagang “Pasko feels” sa isang parke sa Baliuag, Bulacan. Bukod sa mga nakasabit na parol, iba pa rin ang pakiramdam kapag nakakakita na ng mga bibingka at puto bumbong na talaga namang inaabangan ng lahat.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Sana magkaroon ng biyahe pauwi ng Baliuag, gusto ko na makakain ng bibingka at puto bongbong. Saka miss ko na rin ang salabat. Sana mawala na ang virus para maibalik na sa normal ang lahat,” pag-aasam ng isa.

Turan naman ng isa, “Naaalala ko dumadayo pa kami rito sa park na ito para lang kumain ng bibingka at puto bumbong. Pero dahil sa pandemic na ito, bigla na lang nawala ang lahat. Pero iba pa rin talaga ang pakiramdam na at least makita man lang sa picture ang mga ito.”

“Hindi talaga mawawala sa Christmas ambiance ang bibingka at puto bumbong. Sabi nga, COVID-19 lang iyan, Pilipino tayo. Kahit na may pandemya, hindi pa rin naman talaga dapat mawala ang tradisyon nating magdiwang ng Kapaskuhan. Sana man lamang iyon, hindi manakaw sa atin ng pandemya.

Imahe mula sa Facebook account ni Carlo Santos

Napakaraming kakanin sa Pilipinas, subalit tanging  bibingka at puto bumbong lamang ang bumibida sa pagpasok ng  holiday season, lalo na sa panahon ng Simbang Gabi.

Loading…