Magsasaka nakabili ng traktora dahil sa perang ibinigay ng mga taong nagmamahal sa kaniya

  • Nakatanggap ng isang malaking bouquet ang isang magsasaka sa Ilocos Norte
  • Sa halip na bulaklak, mga libo-libong pera ang laman nito na umabot sa 200,000 piso
  • Ginamit niya itong pambili ng traktora na gagamitin niya sa pagsasaka

Tunay na ginagantimpalaan ng langit ang mga taong masisipag at matitiyaga; lalo na sa mga pagkakataong hindi inaasahan.

Masayang-masaya ang isang magsasakang nagdiwang ng kaniyang kaarawan na si “Larry Longboy” na taga-Dingras, Ilocos Norte dahil sa naiibang sorpresang regalo ng kaniyang mga kaanak sa kaniya. Sa pamamagitan ng “BBS Sweet” na kilala sa kanilang negosyong pagsasaayos ng “sentimental gifts,” naipadala kay Manong Larry ang isang napakalaking bouquet, na sa halip na bulaklak ang nakalagay, tumataginting na 200,000 piso lang naman!

Imahe mula sa Facebook page ng BBS Sweet

Ayon sa Facebook page ng BBS Sweet, dahil nahihirapan na siyang magbabad sa bukid kasama ang kalabaw dulot na rin ng kanyang edad, naisipan ng mga nagmamahal sa kaniya, lalo na iyong mga nasa ibang bansa, na bigyan siya ng regalong pambili ng kaniyang sasakyang pambukid o traktora.

“Ginamit ang aming serbisyo para ipaabot ang kanilang pagmamahal para kay Tatay Larry. Ang kabutihan ng isang tao ay may magandang epekto sa iba. Makikita sa gawa ang magandang katangiang ito. Hindi nga matutumbasan talaga ng anomang HALAGA ang SAKRIPISYONG iyong ibinuhos para sa iyong pamilya, kabigan o sa ibang tao,” ayon sa kanilang caption.

Dagdag pa nila, “Darating ang araw na BLESSING din ang igagawad sa kabutihang iyong pinamalas Tatay Larry! Mabuhay po kayo!”

Kinalugdan naman ito ng mga netizens.

“Wow! Ang galing naman. Nakaka-proud. Iyan ang tunay na patotoo na kapag may tiyaga, may nilaga. May biyaya talagang bumubuhos kapag masipag, matiyaga, at may determinasyon sa buhay!” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng BBS Sweet

Turan naman ng isa, “Magkano kaya ‘yang tractor? Pangarap ko rin makabili niyan para sa pamilya ko nang hindi na sila mahihirapan sa pagsasaka, ganoon din ang mga kalabaw, simula’t sapol kalabaw talaga ang katuwang namin sa pagsasaka, nakakaawa na rin sila.”

“Dapat kung nakakatanggap, gamitin sa tamang bagay tulad nito. Hindi yung ‘pag nakatanggap ang binibili yung bagay na gagastusan din imbes yung kikita. Good luck po!” wika naman ng isa.

Pagbati sa iyo, Mang Larry! Good luck po sa inyong pagsasaka!

Source :

Facebook, News 5

Loading…