
- Napanalunan na ang mahigit P339-M na jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58
- Isa pang masuwerteng mananaya ang nanalo rin ng P24-M sa Mega Lotto 6/45
- Ito na ang pangatlong beses na natamaan ang jackpot prize ng lotto sa loob lamang ng isang linggo ngayong buwan
Isang masuwerteng mananaya mula sa Quezon City ang mag-uuwi ng mahigit P339-M na jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito na ang pangatlong beses na pinanalunan ang jackpot prize ng lotto sa loob lamang ng isang linggo.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, ang mapalad na bettor ay napanalunan ang kabuuang P339,217,037.60 matapos nitong masaktuhan ang winning combination na 18-19-28-09-01-11 ng Ultra Lotto na binola noong Linggo, September 6.
Bukod dito, 57 pang bettor ang nanalo rin ng P120,000 kada isa dahil nahulaan nang tama ang 5 sa 6 na winning combination.
Nitong Lunes, Setyembre 7, tinamaan din ang jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na umabot sa mahigit P24-M. Ang winning combination para sa nabanggit na draw ay 37-07-34-17-05-27.
BASAHIN: Unang Lotto jackpot winner sa panahon ng pandemya nanalo ng mahigit P49-M
Mayroon ding 40 bettor na masuwerteng mag-uuwi ng P32,000 kada isa para sa second prize.
Nitong buwan, halos sunod-sunod na napalunan ang jackpot prize ng lotto makaraan ang limang buwan suspension dahil sa lockdown.

Noong Setyembre 3, isang mananaya mula sa San Fernando, La Union ang siyang naging pinakaunang naging ‘milyonaryo’ sa panahon ng pandemya matapos makakuha ng 6 na tamang numero para maiuwi ang P49,707,326.80 jackpot sa 6/42 regular lotto.
Ang lotto ay huling nagkaroon ng bola noong Marso 17, dalawang araw matapos ideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Metro Manila.