Maja Salvador nagpaalam na sa mga tagahanga; posibleng mapanood sa ibang network

  • Posibleng mapanood si Maja Salvador sa ibang TV network
  • Iyan ang kaniyang kinumpirma sa kaniyang IG post
  • Susundan daw muna niya ang kaniyang “Tatay” na si Mr. M o Johhny Manahan

Binasag na ni “Majasty” Maja Salvador ang mga alingasngas hinggil sa posibleng mapanood siya sa ibang TV network at kinumpirma ang katotohanan sa likod nito sa kaniyang Instagram post.

“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa mga taong walang sawang sumusuporta sa akin at sa ABS-CBN,” panimula ni Maja na pinasikat nang husto ng Kapamilya Network dahil sa mga proyektong ibinigay sa kaniya upang maipamalas niya ang kaniyang talento sa pag-arte at pagsayaw.

Imahe mula sa Instagram account ni Maja Salvador

Paliwanag niya, sasamahan daw muna niya ang kaniyang “Tatay” na si Mr. M o si Johnny Manahan, ang chairman emiritus ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN. Isa si Maja sa mga “prime artists” nito. Si Mr. M din ay isa sa mga prime directors ng Kapamilya Network lalo na sa mga variety show kagaya ng ASAP Natin ‘To at iba pang sitcoms.

“Mga kapamilya, sasamahan ko po muna ang aking tatay na si. MR. M kaya sana wag po kayo magulat kung makikita ninyo akong lumabas sa ibang network at patuloy na makapagbigay-ligaya sa inyo kahit sa anong paraan at plataporma,” ani Maja.

Dagdag pa niya, “Sana po ay tuloy-tuloy ninyo akong samahan at suportahan sa kahit anong landas na aking tatahakin. maraming salamat po.”

Dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN, nagdesisyon ang pamunuan nito na payagan nang pakawalan ang ilan sa mga artista nilang nagnanais na tumanggap ng trabaho o proyekto sa ibang TV network.

Noong September 15, 2020 ay pumutok ang balitang si Mr. M ang magdidirehe ng Sunday variety show ng TV5 na may titulong “[email protected]: Ultimate Sunday Party” na makakatapat ng ASAP Natin ‘To.

Public Domain Image

Sinasabing ang mga magiging hosts ng naturang programa ay sina Miss Universe 2018 Catriona Gray, Asia’s Nightingale Lani Misalucha, at ang prime artist ng Star Magic na si Piolo Pascual. Sapantaha ng marami, posibleng pansamantala na ngang makita si Maja sa TV 5 kung sinasabi niyang susundan si Mr. M.

Si Maja ay nakilala sa kaniyang mga pagganap sa mga de-kalibreng teleserye ng Kapamilya Network at tumatak din ang kaniyang mga naging karakter kagaya ni “Nicole” ng “The Legal Wife,” “Ivy Aguas/Lily Cruz” ng “Wildflower,” at Camila Dela Torre ng “The Killer Bride.”

Loading…