Maming mukhang “mummy” kinaaliwan

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang larawan ng isang mami o chicken noodle soup
  • Nagmukha kasing “mummy” ang mga nagkumpol na pansit nito
  • Ang mummy ay tawag sa binalot na labi ng pumanaw na tao o hayop

Isa ang “mami soup” sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino. Ito ay maihahalintulad sa noodles o ramen, na talaga namang masarap kainin lalo na kapag malamig ang panahon. Maaari din kasi itong ulamin kapag nagtitipid na.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang larawang ibinahagi ng netizen na may Facebook name na “Bro Oliver Bugayong Esoj” sa kaniyang FB post kung saan makikita ang mami soup na tila nag-anyong “mummy” ang mga pansit nito. Caption niya, “THE MAMI.”

Imahe mula sa Facebook account ni Bro Oliver Bugayong Esoj

Ang mummy naman ay tawag sa  mga labi ng pumanaw na tao o hayop na dumaan sa isang makalumang paraan o hakbang ng preserbasyon sa pamamagitan ng embalsamo at maingat na pagbalot dito sa tela, na nagsimula sa bansang Ehipto o Egypt noong unang panahon. Nagmimistula tuloy itong “caterpillar.”

Naaliw naman ang mga netizens sa larawan at nagbigay sila ng komento hinggil dito.

“Ang cute, the mummy mami hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ganda naman tingnan ah. Mapapakain ka na lamang hahaha.”

Ang mami ay isang pagkaing Pilipino na may sabaw at sahog na maninipis na pansit na gawa mula sa harina. Ito ay karaniwang sinasangkapan ng mga hibla ng dibdib ng pinakuluang manok, kaya tinatawag din itong chicken mami o chicken noodle soup sa wikang Ingles, bagama’t may mga gumagamit din ng sahog na karne ng baboy sa halip na karne ng manok.

Public Domain Image

Isa sa mga kilalang mamihan sa Pilipinas ang “Ma Mon Luk,” isang matandang Chinese restaurant, na ang nagtatag na isang tsino ay unang nagtinda nito sa Binondo, Manila noong 1920. Sa ngayon ay patuloy pa rin itong operational, na ang pinakakilala at dinarayong branch ay nasa Quezon Avenue.

Loading…