Manila Bay white sand beach dinagsa ng mga tao, health protocols nabalewala

Screenshot mula sa Handcam Hunter vlog
  • Dumagsa ang napakaraming tao sa pagbubukas sa publiko ng Manila Bay na nilagyan ng white sand
  • Dahil sa kapal ng mga taong dumagsa sa lugar ay hindi na nasunod ang ilang health protocols
  • Sa Lunes ay muling isasara ang lugar para sa pagpapatuloy ng rehabilitasyon

Dumagsa ang napakaraming tao sa pagbubukas sa publiko ng bahagi ng Manila Bay na tinambakan ng dolomite white sand sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Lungsod ng Maynila.

Screenshot mula sa Handcam Hunter vlog

BASAHIN: White sand sa Manila Bay mae-enjoy na ng publiko

Makikita sa ilang video mula sa mga vloggers na nag-cover ng opening ng pinagandang Manila Bay ang napakahabang pila ng mga taong gustong masilayan ang puting buhangin. Marami sa kanila ay madaling araw pa umalis ng kani-kanilang mga tahanan, tulad ng isang lalaki na nagbuhat pa sa Bulacan na alas-dos ng madaling araw ay bumiyahe na patungong Maynila.

Bakas sa bawat mukha nila ang saya habang nakapila at pagkasabik sa paghihintay ng kanilang pagkakataon na masilayan ang bagong bihis na Manila Bay.

Maraming mga law enforcers na nakakalat sa paligid upang tiyakin na magiging maayos ang pagbubukas ng lugar na tinatawag ngayong “Manila Bay Sands,” ngunit sa sobrang kapal ng mga taong dumagsa ay hindi nasunod ang ilang health protocols.

Makikita sa isang overpass sa Roxas Boulevard ang mga taong nagsisiksikan para lang matanaw ang white sand at mag-selfie.  Ang pila naman ng mga nais pumasok at makayapak sa puting buhangin ay napakahaba. Ang physical distancing rule na 1 meter ang distansya sa pagitan ng bawat isa ay hindi na nasunod.

Imahe mula sa Twitter

May ilan ay may suot ngang face mask subalit hindi naman natatakpan ang bibig at ilong.

Marami ang hindi nakasuot ng face shield, subalit nilinaw ng awtoridad na hindi naman required ang face shield sa open spaces.

Bukas ang Manila Bay Sands mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi ngayong araw ng Linggo. Sa Lunes, September 21, ay muli ng isasara ang lugar para sa pagpapatuloy ng ginagawang rehabilitasyon.

Ang paglangoy ay hindi pa rin pinapayagan sa Manila Bay.

Screenshot mula sa vlog ni Joan Salinas

 

Loading…