Manufacturer ng Reno liver spread nag-sorry na; nagpasa na rin ng registration sa FDA

Imahe mula sa Lazada/Shopee
  • Humingi na ng paumanhin sa FDA ang gumagawa ng Reno Liver Spread
  • Nagpasa na rin umano ng requirements ang manufacturer upang makakuha ng registration
  • Hindi pa rin puwedeng ibenta sa pamilihan ang Reno hangga’t hindi naaprubahan ng FDA

Humingi na ng paumanhin sa Food and Drug Administration (FDA) ang manufacturer ng sikat na Reno liver spread matapos mabulgar nitong buwan lamang na hindi pala ito rehistrado upang maibenta sa mga pamilihan.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo, kinumpirma ni FDA Director General Eric Domingo na sumulat na sa kanilang ang gumagawa ng nasabing produkto at nag-sorry.

FDA Dir. Gen. Eric Domingo| Imahe mula sa PNA

“Sumulat naman sila at nagpaumanhin dahil hindi nga raw sila nakapagrehistro ng produkto nila at alam ko po noong isang araw ay nagsubmit na rin sila ng application for registration,” bahagi ni Dr. Domingo.

Ayon sa opisyal, taong 2017 pa lumapit sa FDA ang manufacturer ng Reno para kumuha ng license to operate bilang food manufacturer. Pumasa naman daw ang kanilang factory subalit nabigong iparehistro ang kanilang mga produkto.

Tiniyak naman ni Domingo na maaaprubahan ang application ng nabanggit na manufacturer basta makumpleto nito lahat ng requirements na hinihingi ng ahensiya.

“Hinihintay pong macomplete nila ang requirements. Basta naman po kumpleto ang requirements, mabilis ang approval sa FDA,” wika pa ni Dr. Domingo.

Imahe mula sa Pepper.ph

Nilinaw din ng opisyal na bawal pa ring ibenta ang produkto sa mga pamilihan hangga’t hindi naaprubahan ng FDA ang registration nito. Kailangan daw kasing dumaan sa mga test ang Reno liver spread upang masigurong ligtas ito para sa mga konsyumer.

Isa daw ito sa mga requirements lalo na sa mga pagkaing de-lata tulad ng nabanggit na palaman.

Magugunitang nagulantang ang publiko matapos ianunsiyo ng FDA na hindi pa rehistrado sa kanila ang Reno Liver Spread na ilang dekada na ring naihahain sa mga mesa ng pamilyang Pinoy.

Paliwanag ng FDA, dati kasi ay sa National Meat Inspection Service (NMIS) nagpaparehistro ang mga produktong karne at nailipat lamang ito sa kanila noong 2015.

Loading…