‘Marcos holiday’ sa Ilocos Norte lusot na sa Kamara; Pangulong Duterte walang tutol

Imahe mula sa Official Gazette
  • Lusot na sa Kamara ang panukalang batas para ideklara ang Marcos Day sa Ilocos Norte bilang holiday
  • Umabot sa 198 na kongresista ang pumabor dito habang walo lamang ang tutol
  • Wala naman umanong tutol si Pangulong Rodrigo Duterte dito, ayon sa Palasyo

Inaprubahan na sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na nagdedeklara sa petsang Setyembre 11 bilang non-working holiday sa Ilocos Norte bilang paggunita sa kaarawan ng namayapang strongman mula sa nasabing probinsiya.

Ito ay tatawaging “President Ferdinand Edralin Marcos Day” base na rin sa House Bill No. 7137 na iniakda nina Ilocos Norte 1st District Rep. Ria Fariñas, Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba, at Probinsyano Ako Rep. Rudys Caesar Fariñas.

Imahe mula sa Martial Law Chronicles Project

Si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay isinilang noong Setyembre 11, 1917 sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte.

Sa ginanap na pinakahuling pagbasa sa nabanggit na panukalang batas nitong Miyerkules, umabot sa 198 kongresista ang pumabor dito habang walo lamang ang tumutol.

Samantala, wala naman umanong tutol si Pangulong Rodrigo Duterte dito at nirerespeto ng Palasyo ang naging desisyon ng Kamara.

“Alam ninyo naman po, bago maging batas iyan, dapat pumasa sa Mababang Kapulungan at saka sa Senado. So rirespetuhin po ng Presidente kung ano ang maging desisyon ng mga policymaker sa Kongreso,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Imahe mula sa Medium

Magugunita na noong 2017, nilagdaan din ni Duterte ang Proclamation  No. 310 na nagtatakda na gawing local holiday ang ika-100 kaarawan ni Marcos.

Taong 2016 naman nang tuluyang nailibing ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani matapos itong payagan ng Korte Suprema sa kabila ng pagtutol ng mga kritiko ng yumaong lider.

Samantala, wala ring nakikitang balakid si Senate President Vicente Sotto III kung sakali mang maiakyat na sa Mataas na Kapulungan ang naturang batas.

“All bills coming from the House of Representatives have all equal chances of [passing],” ani Sotto.

Loading…