Mariel Rodriguez sa mga bumabatikos sa Manila Bay: Nakita natin kung san napunta ang tax, reklamo pa rin?

Imahe mula sa Instagram | Mariel Rodriguez
  • Ipinagtanggol ni Mariel Padilla ang mga nasa likod ng paglalagay ng ‘white sand’ sa Manila Bay mula sa mga bumabatikos dito
  • Ani Mariel, noong puno ng basura ang Manila Bay ay walang nagrereklamo ngunit ngayong pinagaganda ito ay nagsulputan ang mga bumabatikos dito
  • Mainam din daw na nakikita ng mga naghahanap kung saan napupunta ang kanilang tax 

Pabor ang Kapamilya host na si Mariel Rodriguez sa paglalagay ng ‘white sand’ sa Manila Bay. Paliwanag niya, mainam na ito dahil kahit paano ay nakikita ng taumbayan kung saan napupunta ang kanilang tax.

Imahe mula sa Instagram | Mariel Rodriguez

“Ang hindi ko maintindihan is lagi nating hinahanap kung saan napunta ‘yong tax na binabayad natin. Ayan oh, at least ‘yan nakikita natin, ‘di ba? Tapos mag-complain pa rin?” komento ni Mariel sa post ng asawang si Robin Padilla. “Noong puro basura, walang nagrereklamo, ngayon na pinaganda… Can you believe it? Ngayon sila nagreklamo?”

Sa post ni Robin ay sinabi niyang dapat na kilalanin ang gobyerno sa kanilang pagpupunyagi na mapaganda ang Manila Bay.

“Ibigay natin sa gobyerno ang tamang pagkilala sa accomplishment na ito dahil may COVID-19 man o wala, bilang isang taxpayer, pipiliin ko ang white sand kaysa basura. ‘Yong dolomite, maaaring pagtalunan pero ‘yong basura, 1 million percent masama sa Inang Kalikasan, sa ating kalusugan, at sa lahat ng bagay,” sabi pa ni Robin.

Imahe mula sa PNA | Avito Dalan

Mas mainam na rin daw na mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na walang kakayahang makapunta sa Boracay na makaranas ng white sand.

“Free relaxation and family bonding ay mental, emotional, and physical therapy. Every Filipino deserves a swim, a sunrise, and sunset by the beach,” dagdag niya.

Dinumog ng mga tao ang bahagi ng Manila Bay na may white sand nitong Linggo kaya naman hindi na nasunod ang pagpapatupad ng physical distancing bilang pag-iingat sa COVID-19. Dahil dito ay na-relieve mula sa kaniyang puwesto si Ermita police chief Lt. Col. Ariel Caramoan.

Samantala, iminungkahi naman ni Manila Mayor Isko Moreno na pansamantalang isara itong muli sa publiko.

Loading…