May K dahil maraming naipundar! Remittance receipts ginawang gown ng OFW sa Kuwait

Image by Marry Ann Adriano via Facebook
  • OFW sa Kuwait, ginawang gown ang mga resibo ng mga padala sa Pilipinas at rumampa pa
  • Aniya, mahirap ang kanyang trabaho at pati mga panlalaking gawain ay ginagawa niya
  • Pero fulfilling umano ang kanyang mga sakripisyo dahil para ito para sa kanyang pamilya

Hindi talaga matatawaran ang pagsusumikap ng mga overseas workers para maiahon ang kani-kanilang pamilya sa Pilipinas, at para sa katulad ni Marry Ann Adriano, 36, na marami nang naipundar, puwedeng-puwede na siyang rumampa at ibandera ang pagiging isang proud OFW.

Image by Marry Ann Adriano via Facebook

Kumasa si Marry Ann kamakailan sa “resibo challenge” at gumawa siya ng gown mula sa mga resibo ng kanyang mga padala sa mga kamag-anak. Gamit ang Facebook, ibinahagi niya ang videoo ng sarili habang rumarampa suot ang gawang gown.

Pagkukuwento ng OFW sa Definitely Filipino, hindi niya inaasahan na magte-trending ang bidyo na kanyang kinunan.

Sabi pa nito, mahirap ang trabaho niya bilang overseas worker sa Kuwait at pati mga panlalaking gawain ay ginagawa na rin niya kagaya ng pagkakabit ng ilaw, pagsasaayos ng tubo ng tubig, pag-aayos ng silya, pagpipintura at marami pang iba.

Mahirap man, aniya, ginagawa naman niya ito para mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya. Marami na umano ang kanyang mga naipundar sa loob ng pitong taong pamamalagi sa Kuwait, at pinag-aaral pa ang dalawang kamag-anak – isang Grade 10 at isang Grade 12.

Maliban dito, mayroon na rin daw silang binabayarang lupa ng kapatid na OFW rin, at dito nila ipatatayo ang pinapangarap na bahay para sa pamilya.

Image by Marry Ann Adriano via Facebook

“‘Wag po tayong sumuko sa buhay, ‘wag pong ikahiya ang trabaho basta marangal mong kinikita ang perang ipinapadala sa pamilya. Marami akong trabaho rito kagaya ng pagkuskos ng inidoro at paghugas ng tambak na plato pero fulfilling dahil alam kong may patutunguhan ang mga sakripisyo ko.”

Dalangin niya na nawa’y nasa maayos na kalagayan palagi ang mga overseas workers pati na rin ang mga kapwa Pilipino na nasa Pilipinas lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Panoorin ang trending na pag-rampa ni Marry Ann:

Source :

Facebook

Loading…