Mayor Vico nagpaliwanag kung bakit kakasuhan ang negosyanteng nakasagutan sa viral video

Screenshot mula sa YT video
  • Tuloy ang pagsasampa ng kaso ni Mayor Vico laban sa nakasagutang negosyante
  • Marami umanong ginawang paglabag sa batas ang nabanggit na Filipino-Chinese businessman
  • Suportado naman ng mga netizens ang gagawing hakbang ng alkalde

Si Pasig City Mayor Vico Sotto ay kilala sa pagiging mahinahon kahit pa sabihing siya ay may katungkulan sa gobyerno.

Nitong nakaraang araw, natunghayan sa social media kung paano napanatili ng butihing alkalde ang kaniyang hinahon sa gitna ng komprontasyon niya sa isang negosyante na lumabag umano sa panuntunan ng lungsod.

Nagsimula ang mainit na pagtatalo sa pagitan ni Mayor Vico at ng negosyante matapos sitahin ng alkalde ang patuloy na pagpapatayo ng huli ng isang gusali nang walang kaukulang permit mula sa pamahalaang lungsod.

Screenshot mula sa Twitter

Nauwi rin ito sa usaping pagpapa-demolish daw ng negosyante sa isang lugar na tinitirhan ng mga informal settlers nang wala ring permit. Naungkat din ang tungkol sa nakaharang sa daan na crane at van ng negosyante na nakasira din sa kalsada.

Giit ni Mayor Vico, walang karapatang magpagiba ng bahay ang negosyante at dapat daw ay tumawag ito ng pulis kung totoo ang kaniyang alegasyon na pinamumugaran ng masamang elemento ang lugar.

Nagalit rin ang alkalde na ipinagiba ng negosyante ang mga bahay kahit mayroon pang mga tao sa loob kabilang na ang ilang bata.

Giit naman ng negosyante, pag-aari niya ang naturang property at ‘biased’ umano si Mayor Vico kahit pa siya ay isang constituent at ‘taxpayer’ sa Pasig City.

“As a government official, I will treat things fairly. Kung walang permit, hindi puwedeng mag-construction,” paliwanag naman ni Mayor Vico.

Screenshot mula sa Twitter

Sa kaniyang Twitter account, ipinaliwanag muli ng opisyal kung bakit tuloy ang kaso laban sa negsoyante.

Aniya, “Marami siyang violation, pero ang MAIN ISSUE rito: Ilang beses na nilang sinubukan magpatayo ng building na WALANG BUILDING PERMIT. Tapos hinarangan ng truck at crane nila ang PUBLIC ROAD. Nakasira pa sila ng humps.”

Suportado naman ng mga netizens ang gagawing hakbang ng mayor. Pinag-iingat din ang alkalde sa kaniyang kaligtasan dahil sa nangyari.

Samantala, ayon sa pinakahuling ulat ng DZRH News, humihingi na ng ‘ceasefire’ ang nabanggit na negosyante, na isang Filipino-Chinese, matapos mag-viral ang video ng kaniyang pakikipagsigawan sa alkalde.

Panoorin ang video ng kanilang pagtatalo:

Loading…