Medical frontliners na pinalayas ng landlords bibigyan ng gobyerno ng matutuluyan at pagkain – Pres. Duterte

Screenshot mula sa PCOO video
  • Mga medical frontliners na pinalalayas ng landlord bibigyan ng pagkain at matutuluyan
  • Sinabi ni Pang. Duterte na tawagan lang ng mga apektadong frontliners ang opisina ni Sec. Carlito Galvez
  • Maaaring magrenta ng mga bakanteng hotel rooms ang gobyerno para sa mga health frontliners

Nangako si Pangulong Duterte na tutulungan ng pamahalaan ang mga medical frontliners na pinalayas ng mga landlords sa inuupahang apartment o dormitory.

Screenshot mula sa PCOO video

Sinabi ng Pangulo na maaaring direktang tumawag ang mga apektadong health frontliners sa opisina ni Secretary Carlito Galvez, ang chief implementer ng National Task Force on COVID-19,  upang mabigyan sila ng matutuluyan na hangga’t maaari ay malapit sa pinapasukang trabaho.

“You’re renting a room, a house or what not pero dahil nga nasa frontliner ka, sa COVID, pinapaalis kayo because of the fear unfounded na mahawa ninyo ang mga may-ari ng mga bahay at mga kasamahan n’yo sa dormitoryo. If this happens you can call directly, the office of Sec. Galvez and we will provide with the necessary and billeting, pati pagkain na,” pahayag ng Pangulo noong Lunes ng gabi, August 31.

“We will choose a place nearest to where you are working,” sabi pa ni Pangulong Duterte.

Hiniling ng Pangulo sa mga medical frontliners na pinalayas na ibigay sa kanya ang mga pangalan ng mga landlords upang matawagan niya ng pansin.

Screenshot mula sa PCOO video

Hindi raw dapat tanggapin sa ospital ang mga landlord na nagpapalayas ng frontliners. Gantihan lang, biro ng Pangulo.

“Isabi mo lang ang pangalan ‘yung may-ari ng building, may-ari ng boarding house, may-ari ng ano, at I will call their attention publicly so that kung sila ang magkasakit, huwag na silang tanggapin sa ospital rin. Parang ganun. Mabuti siguro, tit-for-tat. Well, anyway, I’m joking,” aniya.

Sabi niya, maaaring mag-renta ng mga bakanteng hotel rooms ang gobyerno para sa mga health frontliners.

Loading…