Metro Manila mayors gustong panatiliin ang 1-meter distancing rule sa pampublikong transportasyon

Imahe mula sa PNA
  • Hindi kinonsulta ng DOTr ang Metro Manila mayors tungkol sa reduced distancing rule sa public transportation
  • Nais ng 17 Metro Manila mayors na panatiliin ang 1-meter distance rule
  • Inaasahang maglalabas ng desisyon si Pangulong Duterte tungkol sa bagong polisiya

Nasurpresa ang labimpitong mayors sa Metro Manila sa naging desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na bawasan ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa loob ng mga pampublikong sasakyan upang mas maraming pasahero ang makasasakay.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Edwin Olivarez

Sabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, hindi kinonsulta ng DOTr ang 17 Metro Manila mayors hinggil sa reduced distancing rule sa public transportation gayong ang Metro Manila ang epicenter ng COVID-19 sa bansa.

BASAHIN: Reduced distancing sa public transportation resulta ng pag-aaral – DOTr

Binigyang-diin ni Mayor Olivarez na ang posisyon ng mga alkalde sa Metro Manila ay panatiliin ang 1-meter distancing rule.

Matatandaang mula sa 1 meter ay ginawang 0.75 meter na lang ang distansya sa pagitan ng mga pasahero simula noog Lunes, September 14. Pagkalipas ng dalawang linggo ay gagawin  itong 0.50 meter na lang at 0.30 meter pagkaraan ng dalawa pang linggo.

“Even with a face mask or a face shield, health experts should study whether 0.75-meter is enough, but I think that we mayors would definitely object to 0.5 and 0.3 meters,” ani Mayor Olivarez.

Imahe mula sa DOTr-MRT3

Umapela naman ang ilang eksperto at mga doktor na ipagpaliban ang implementasyon ng reduced distancing sa public transportation upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Sinang-ayunan ito ni Senator Bong Go.

“Sang-ayon ako sa rekomendasyon ng mga eksperto at mga doktor na pansamantalang ipagpaliban muna sana ang pagpapaluwag ng health protocols tulad ng pagpapaikli ng distansya ng mga tao sa pampublikong sasakyan. Huwag nating isugal kung may posibilidad na mas kumalat ang sakit,” pahayag ng senador.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Ipinahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakipagpulong na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu.

Ani Roque, nagbigay ng rekomendasyon ang IATF sa Pangulo na inaasahang magbibigay ng kanyang desisyon ukol sa reduced distancing rule.

Loading…