Mga deboto, dumagsa sa Quiapo Church para dumalo sa First Friday Mass

  • Hindi nagpaawat ang mga deboto ng Poong Nazareno sa pagtungo sa simbahan ng Quiapo upang dumalo sa First Friday Mass nitong Setyembre 4, 2020
  • 100 mga mananampalataya lamang ang pinayagang makapasok sa loob ng simbahan upang matiyak pa rin ang social distancing
  • Ang iba naman ay nasa labas ng simbahan at nakikinig lamang sa misa sa pamamagitan ng loud speakers

Dumagsa ang mga deboto sa Simbahan ng Quiapo nitong Biyernes, Setyembre 4, 2020 upang dumalo sa First Friday Mass, gaya ng kanilang mga nakagawian noong wala pang nararanasang pandemya sa bansa.

Dahil sa ipinatutupad na general community quarantine sa National Capital Region, limitado lamang ang maaaring pumasok sa loob ng simbahan upang matiyak ang social distancing. Kaya naman, ipinasya ng maraming mga deboto na manatili na lamang sa labas nito at makinig sa misa sa pamamagitan ng mga loud speaker.

Public Domain Image

Kung susuriing mabuti, tila hindi na nasunod ang ipinatutupad na social distancing sapagkat halos magkakadikit na rin ang mga deboto sa isa’t isa.

Ipinagbawal na rin ang “Pahalik” sa Itim na Nazareno; bagkus, ang ipinalit dito ay “Pasulyap” o “Pagtanaw” kung saan maaaring pumila ang deboto at sulyapan o tingnan ang rebulto, subalit bawal itong hawakan.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“If COVID-19 is unstoppable so does the faith of millions in all of us… keep the faith strong!!!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Hindi kayang pigilan ng utos o batas ang isang matibay na pananampalataya ng isang Katoliko kapag buo at nasa puso ang pananampalataya, alam nating pinoproteksyunan tayo ng Poong Maykapal.”

“Namamanata nga kayo pero kulang naman sa disiplina. Sunday pa rin ang pinaka-importanteng simba sa buong linggo,” puna naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Isa lang masasabi ko, hindi pinwersa ng simbahan na magsimba ang mga mananampalataya dahil sila mismo ang nagpunta sa simbahan, dahil sa panahon ngayon kailangan nating mas kumapit sa Diyos, palibhasa yung ibang nagko-comment dito wala yatang takot sa Diyos at hindi nagsisimba tuwing Linggo.”

Public Domain Image

Matatandaang ipinagbawal ang mga mass gatherings, kabilang na ang mga gawaing panrelihiyon, sa panahon ng community quarantine upang maiwasan ang mga hawaan, lalo pa’t naitala ang mga kaso ng pagkahawa nito sa mga gawaing pansimbahan.

Bagama’t tila sinubok ang katatagan ng pananampalataya ng mga tao dahil dito, hindi naman ito naging hadlang sa mga panambahan dahil nagdaos sila ng online mass o online Sunday worship upang makadalo pa rin ang kanilang mga mananampalataya sa pagsambit ng mga salita ng Diyos, na kailangang-kailangan ngayon.

Samantala, sa ilalim ng GCQ, maaari na ulit isagawa ang mga banal na sakramento kagaya ng kumpisal, binyag, at kahit mga kasal.  Sumasailalim naman sa temperature check at pagpapa-spray ng alcohol ang mga pumapasok sa simbahan, na kailangang nakasuot ng face mask at face shield. Iniiwan din nila ang ilang mga detalye sa pormularyong kailangang sagutan para sa contact tracing.

Loading…