Mga kumpiskadong gadgets dapat i-donate sa mga estudyante – Sen. Imee Marcos

Screenshot mula sa CNN PH video
  • Hiniling ni Sen. Imee Marcos na i-donate ng Customs sa mga estudyante ang mga electronic gadgets na nakumpiska
  • Kung nakapag-donate ang Customs ng 800 seized vehicles sa mga government agencies, bakit hindi umano magawang i-donate na lang sa mga mag-aaral ang mga gadgets
  • Daang milyong halaga ng mga cellphones, tablets at accessories ang nakumpiska ng Customs noong Agosto

Hinihimok ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na ang salot na smuggling ay gawing kapakipakinabang para sa mga mararalitang estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga kumpiskadong electronics gadgets na magagamit sa blended learning.

Screenshot mula sa CNN PH video

Sabi ni Sen. Marcos, kung noong buwan ng Hulyo ay galanteng nakapag-donate ang Bureau of Customs sa government agencies ng mga nakumpiskang smuggled vehicles, bakit hindi nito mabigyan ng solusyon ang pinoproblema ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagdo-donate ng kumpiskadong gadgets?

“The BoC generously donated almost 800 smuggled vehicles to the police, military and other government agencies last July. Why can’t it solve the worries of thousands of poor students by donating confiscated electronic gadgets?” aniya.

Aniya, ang  bilang ng mga ilegal na pag-aangkat ng mga electronic devices tulad ng cellphones, tablets at laptops ay inaasahang dadami pa dahil tumaas ang demand para sa mga ito sanhi ng COVID-19 pandemic.

Screenshot mula sa CNN PH video

Sa halip na isubasta o wasakin, ang mga kumpiskadong gadgets ay maaaring i-donate ng pamahalaan makalipas ang labinlimang araw na hindi ito kinukuha ng importer, kasunod ng notice of pending forfeiture, anang senadora.

“A single cellphone or laptop would be a huge boon to a mother struggling to buy food, pay electric bills, and now access online,” giit ni Sen. Marcos.

Umaasa umano siya na sana ay pakinggan ng BoC ang hiling niya lalo na’t daang milyong halaga ng mga cellphones at iba pang electrical items ang nakumpiska ng ahensya noong nakalipas  na buwan ng Agosto.

Sabi pa niya, noon namang nakaraang taon, mahigit P115 million ang halaga ng mga cellphones, cellphone batteries, tablets  at iba pang accessories mula sa Hong Kong at South Korea ang na-intercept ng Customs.

Imahe mula sa BoC

Loading…