Mga naglutangang isda sa Manila Bay posibleng ‘sabotahe’ – DENR

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Posibleng sabotahe raw ang sanhi ng paglutang ng mga isda sa Manila Bay, ayon sa DENR
  • Pinag-iingat naman ng Palasyo ang publiko dahil ‘desperado’ na umano ang kalaban ng Pangulo
  • Kumuha na ng water samples ang DENR para mapag-aralan ito

Hindi isinasantabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibilidad na sabotahe ang dahilan kung bakit naglutangan ang mga walang buhay na isda sa Manila Bay kamakailan.

Sa panayam ng GMA News, iginiit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na malayo naman ang lugar kung saan natagpuan ang mga isda sa pinagtambakan ng crushed dolomite.

DENR USec. Benny Antiporda| Imahe mula sa PIA

“Hindi po bago ang ganung pangyayari but still we are not discounting the possiblity na maaaring meron na namang nag-illegal fishing, gumamit ng cyanide or meron pong sumasabotahe sa atin just to discredit the government,” ani Antiporda.

Samantala, bagama’t walang konkretong katibayan ganito rin halos ang pananaw ng Malakanyang.

“Hindi ko po alam kung mayroon ngang sabotahe, pinag-aaralan pa po iyan,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Imahe mula sa PIA

Nakapagtataka umano na kabilang sa mga natagpuang lumutang na isda ay tilapyang nabubuhay sa tabang na tubig.

“Ingat-ingat lang po tayo sa panahon ngayon desperado po ang kalaban ng gobyerno, lahat po ginagawa para siraan si Presidente Duterte,” dagdag niya.

Ipinaliwanag na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang dahilan ng paglutang ng mga isda ay mababang oxygen level sa dagat. Hindi naman malinaw kung ang dolomite nga ang dahilan ng pangyayaring ito.

Ayon kay Antiporda, kumuha na sila ng mga water samples sa lugar na apektado upang pag-aralan ito.

Loading…