Mga Pinoy nurses na patungong UK pinababa mula sa eroplano

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Pitong Pinoy nurses ang pinababa ng eroplano dahil sa umiiral na deployment ban ng health workers sa ibang bansa
  • Ang mga pinababang nurses ay sakop naman ng exemption sa naturang deployment ban batay sa guidelines ng IATF at POEA
  • Matapos magkalinawan ay pinayagan ding makaalis ang mga nurses na nag-rebook ng panibagong flight patungo sa UK

Pitong Pinoy nurses na patungo sana sa United Kingdom (UK) ang pinababa mula sa eroplano kahit kabilang sila sa mga exemptions mula sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Masama ang loob na ikinuwento ng isa sa mga nurses ang naranasang mental stress nang isa-isang tawagin ang pangalan nila para i-offload ng Bureau of Immigration sa Emirates flight patungong UK.

“In-announce kami sa loob ng eroplano para i-pull out kasi i-o-offload daw kami ng immigration… na mental stress na sobrang… kailangan ba nating pagdaanan ang ganitong experience?” sabi ni nurse Zyrone.

May ipinakita umano sa kanilang kopya ng memorandum ng Bureau of Immigration na nagsasaad na ang mga medical professionals at iba pang allied health care workers na pinapayagan lang makalabas ng bansa ay ang may existing contract as of March 8, 2020 at ang mga Balik-Manggagawa.

Bawal daw lumabas ang may visa na na-isyu pagkatapos ng March 8, 2020.

Ayon kay nurse Zyrone, before March 8 pa sila nagkaroon ng kontrata, subalit dahil sa community quarantine ay July hanggang August na na-release ang mga visa nila. Aniya, hindi tamang pinababa sila sa eroplano dahil sa petsa ng visa release.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Batay sa pahayag ng POEA, mali ang interpretasyon ng Bureau of Immigration sa exemptions sa deployment ban ng health professionals sa ibang bansa.

Nilinaw ni POEA Administrator Bernard Olalia na ang importante lang daw ay ang petsa ng kontrata at hindi ang petsa ng visa.

“What is important is the date of the perfection of the contract. Hindi po importante ang OEC (overseas employment certificate), hindi po importante ‘yung date ng visa. And so long as POEA  issues an OEC, which is proof that the nurse is compliant with the rules, iyon po ang ia-allow natin,” anang opisyal.

Matapos magkalinawan ay pinayagan ding makaalis ang mga nurses. Apela nila, sana ay alisin na ang deployment ban sa mga tulad nilang nurses na naghahangad lang ng magandang buhay para sa pamilya.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…