Mga siklistang walang helmet na dadaan sa Quezon City pagmumultahin ng hanggang P5,000

Imahe mula sa Bikers United Marshalls
  • Hinihimok ng Quezon City government ang mga siklista na magsuot ng helmet para sa kanilang kaligtasan
  • Dahil bahagi na ng bagong normal na pamumuhay ang pagbibisikleta ay naglabas ng bagong ordinansa ang city government hinggil sa pagsusuot ng bike helmet
  • Mataas ang kaakibat na multa sa paglabag sa bagong ordinansa

Bahagi na ng bagong normal na pamumuhay ng mga mamamayan ang paggamit ng bisikleta sa pagparoo’t parito sa kanilang mga destinasyon dahil sa kakulangan ng masasakyang pampublikong transportasyon bunsod ng mga restriksyong ipinatutupad kaugnay sa pag-iingat sa COVID-19.

Imahe mula sa Bikers United Marshalls

Sa layuning gawing mas ligtas ang pagbibisikleta sa kanilang lungsod, hinimok ng Quezon City government na laging magsuot ng helmet ang mga siklista.

Sa pamamagitan ng bagong ordinansang ipinasa – ang Ordinance No. SP 2942 na ang may akda ay ang mga city councilors na sina Maria Diorella Sotto, Kaye Galang-Coseteng, at Candy Medina, required na sa lahat ng siklistang dumaraan sa Quezon City ang pagsusuot ng helmet.

Ngayong bahagi na ng new normal ang pagbibisikleta, nais nating gawing mas ligtas ang aktibidad na ito para sa mga dumadaan sa ating lungsod. Makatutulong ang pagsusuot ng helmet upang maging maayos ang ating pagbiyahe at para ligtas tayong makarating sa ating pupuntahan,” pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Noon pa man ay mandatory na sa Quezon City ang pagsusuot ng helmet sa ilalim ng Road Safety Ordinance, subalit minabuti ng city council na maglabas ng bagong polisiya dahil dumarami na ang bilang ng mga mamamayang gumagamit ng bisikleta bilang personal na transportasyon.

Imahe mula sa PNA

May kaakibat na multa ang paglabag sa bagong ordinansa. Kung dati ay mula P200 hanggang P2,000 ang multa, ngayon ay mas mataas ang multang ipapataw sa mga violators.

Multang P1,000, P3,000 at P5,000 ang ipapataw sa una, ikalawa at ikatlong paglabag sa ordinansa.

Ang Quezon City Department of Public Order and Safety ang naatasang mahigpit na magpatupad ng city ordinance.

Imahe mula sa Bikers United Marshalls
Source :

Facebook, PNA

Loading…