Mga tsuper ng dyip na walang biyahe, nagbebenta ng gulay sa Maynila

Image by GMA News via YouTube
  • Nagtitinda na ng mga gulay at iba pang produkto ang grupo ng mga tsuper sa Maynila
  • Nananawagan sila sa LTFRB na magbukas pa ng mas maraming ruta para makabiyahe na sila
  • Pinasalamatan nila ang private individual na nag-sponsor para sa kapital ng kanilang business

From tsuper to seller!

Malaki ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa pangkabuhayan ng mga mamamayan kabilang na ang mga tsuper kaya’t humanap sila ng panibagong mapagkakakitaan — at ang ilan nga ay nagtitinda na ng gulay, prutas at iba pang produkto.

Image by GMA News via YouTube

Kasabay nito ang panawagan nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas pa ng mas maraming ruta para sa mga jeepney drivers para hindi na maghirap pa ang kani-kanilang mga pamilya.

Batay sa GMA News, nagkasundo ang grupo ng mga tsuper sa Maynila na magtayo ng mobile palengke sa harap ng Laong Laan Elementary School para kahit papaano ay may mapagkakakitaan habang nag-aantay sa kanilang muling pagbiyahe.

Nabanggit na isang private individual ang nagkaloob sa kanila ng pondo para makapagsimula ng negosyo, at hindi umano sila nakatanggap ng kahit na anumang tulong sa kanilang lokal na pamahalaan.

“Malaking tulong po sa amin ‘to. Sa oras na makabalik na kami sa biyahe, ihihinto na namin ‘to. Malaking pasasalamat po namin sa sponsor na nagbigay nito. Malaking tulong sa mga kasamahan namin talaga,” pahayag ni Ronald dela Cruz, isang tsuper.

Mga tsuper ‘umaaray’ sa kakaunting kita dahil sa physical distancing sa jeep

Nananawagan din ng tulong ang mga jeepney drivers na pinayagan nang makabiyahe dahil sa napupunta lamang, anila, sa gasolina ang kanilang kakarampot na kita dulot ng ipinatutupad na social distancing sa loob ng sasakyan.

Public Domain Image

Sa kasalukuyan kasi ay hanggang anim na pasahero lamang ang pupuwedeng sumakay kaya’t ang karaniwang dating P144.00 kita sa isang pasada ay natapyasan ng P54.00.

Pahayag naman ng mga netizen, sana’y payagan silang magtaas ng pamasahe para makabawi sila.

Panoorin ang video report ng GMA News:

Loading…