Mga u-turn slots sa EDSA isasarado na ng MMDA;  makukumpleto hanggang Disyembre

Imahe mula sa MMDA
  • Isasarado na ng MMDA ang lahat ng u-turn slots sa EDSA
  • Sinimulan na ito ngayong linggo sa North Avenue u-turn slot harap ng Trinoma
  • Makukumpleto ang naturang gawain sa darating na Disyembre ngayong taon

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang unti-unting pagsasarado ng mga u-turn slots sa kahabaan ng EDSA at inaasahang makukumpleto ito sa Disyembre.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ito ay upang bigyang daan ang mga dedicated bus lanes mula North Avenue hanggang sa Pasay City.

Imahe mula sa MMDA Facebook

“By the end of the year po ito matatapos kasi hindi pa po dumarating lahat ng barriers. Kaya unti-unti po ang pagsasara nito,” ani Garcia nitong Lunes.

Nitong Lunes, unang isinara ng MMDA ang u-turn slots malapit sa Trinoma Mall sa North Avenue. Pinayuhan ng ahensiya ang mga motorista na gamitin ang u-turn slot sa may Quezon Avenue bilang alternatibong ruta.

Bagama’t nagdulot ng pagsisikip ng trapiko sa lugar ang pagsasarado ng nasabing u-turn slot, humihingi ang MMDA ng dalawa hanggang tatlong araw para umano bumalik ito sa normal.

Naglabas na rin umano sila ng anunsiyo tungkol dito ilang araw na ang nakararaan.

“We already gave notice last week. Priority po talaga iyong mga bus kasi mas darami ang commuters natin,” ayon pa kay Garcia.

Imahe mula sa MMDA Facebook

Maliban sa North Avenue, isasara na rin sa mga darating na araw ang iba pang u-turn slots tulad ng nasa Balintawak Market, Kaingin Road, Congressional LRT station, Corregidor intersection at Bansalangin,  U-turn slot sa harap ng Quezon City Academy,  at Santolan/Boni Serrano na pawang nasa Quzon City.

Nakatakda ring isara ang P. Celle U-turn slot at U-turn slot sa may Roxas Boulevard malapit sa Heritage Hotel sa lungsod ng Pasay, at Buendia U-turn slot (ilalim ng Kalayaan flyover) sa lungsod naman ng Makati.

Bukod dito isasara na rin ang mga u-turn slots sa Caloocan City na kinabibilangan ng General Tinio U-turn slot, A. de Jesus Street/8th street left turn,  at ang General Malvar U-turn slot.

Loading…