Mga used rapid test kits nagkalat sa kalsada sa Maynila, mga residente nabahala

Screenshot mula sa GMA video
  • Daan-daang used rapid test kits nakitang nagkalat sa kalsada sa Sampaloc, Manila
  • Kita sa video na ang mga rapid test kits ay nalaglag mula sa sako ng isang nangangalakal
  • Pananagutin ni Mayor Isko Moreno ang establisimyentong responsable sa improper disposal ng hazardous wastes

Nabahala ang mga residente sa isang barangay sa Sampaloc, Maynila dahil sa daan-daang mga gamit nang rapid test kits na nagkalat sa kalsada malapit sa isang public market.

Imahe mula sa Twitter

Kahit dis-oras ng gabi ay napilitang magwalis ang mga residente dahil sa pangambang pagmulan ng nakahahawang COVID-19 ang mga used rapid test kits. Ang SK Chairman ng Barangay 452 na si Karl Gonza umano ang nakatukoy na rapid test kits ang mga kumalat na noong una ay inakala nilang mga pregnancy test kits.

Ayon sa mga barangay officials ay makikita pa ang mga pangalan ng mga taong sumailalim sa rapid test. Nalalabag umano ang privacy ng mga ito dahil sa hindi tamang pagtatapon ng mga iyon.

Screenshot mula sa GMA video

Batay sa kuha ng CCTV sa panulukan ng España Boulevard at M. Dela Fuente Street kung saan matatagpuan ang Trabajo Market, ang mga rapid test kits ay nahulog mula sa isang karitong de-padyak ng isang nangangalakal.

Makikita sa video na hindi namalayan ng nangangalakal na butas ang sakong pinaglagyan ng mga rapid test kits at tuluy-tuloy lang siya sa pagpapadyak sa kanyang kariton.

“Ang good news, at least alam nating hindi sinadya,” sabi ni Manila Mayor Isko Moreno.

Screenshot mula sa GMA video

Rumesponde naman kaagad ang mga kawani mula sa Department of Public Safte ng lungsod upang kunin ang mga iyon at maitapon nang maayos.

“Ito ay hazardous waste kaya dapat po ito ay nama-manage nang maayos,” ani Regine Carlos Tambong ng DPS District 4.

Pinaimbestigahan na ni Yorme kung saan nakuha ng nangangalakal ang mga used rapid test kits. Nagbabala ang alkalde na pananagutin ang establisimyentong may kagagawan ng improper disposal ng hazardous wastes.

Loading…