MPD Station 5 chief sibak sa puwesto, social distancing sa opening ng Manila Bay Sands hindi naipatupad

Screenshot mula sa SSU TV
  • MPD Station 5 commander sinibak sa puwesto dahil sa nangyaring health protocol violations sa opening ng Manila Bay white sand beach
  • Dinagsa ng napakaraming tao ang pinagandang Manila Bay na tinambakan ng dolomite white sands
  • Hindi sana nangyari ang health protocol violations sa Manila Bay Sands kung may ginawang pagpaplano at regular monitoring sa sitwasyon sa lugar ang MPD Station 5

Sinibak sa puwesto ang commander ng Manila Police District (MPD) Station 5 sa Ermita dahil sa kabiguan na maipatupad ang social distancing rule sa opening ng rehabilitated Manila Bay na tinambakan ng dolomite white sands.

Imahe mula sa FB page ng MPD Station 5

Ang bagong atraksyon sa Maynila na tinatawag ngayon ng marami bilang Manila Bay Sands ay dinumog ng napakaraming mga tao ngayong araw ng Linggo, September 20, nang pansamantalang buksan ito sa publiko.

Nabalewala ang health protocols dahil sa pagsisiksikan sa pila ng mga taong sabik na masilayan at makayapak sa puting buhangin ng pinagandang Manila Bay sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Kinumpirma ni MPD chief P/Brig. Gen. Rolando Miranda na inalis sa puwesto si P/Lt. Col. Ariel Caramoan, ang hepe ng presinto na may hurisdiksyon sa lugar ng kontrobersyal na “white sand beach” ng Manila Bay.

Ayon sa pahayag ng Joint Task Force COVID Shield commander na si Lt. Gen. Guillermo Eleazar, si PNP chief Gen. Camilo Cascolan ang nagdesisyon na sibakin sa puwesto si Caramoan na ire-reassign sa MPD headquarters.

Screenshot mula sa Handcam Hunter vlog

Sabi pa ni Eleazar, hindi sana nangyari ang health protocol violations sa Manila Bay Sands kung may ginawang pagpaplano at monitoring sa sitwasyon sa lugar.

“Clearly, he also failed to comply with the JTF COVID Shield order that was coordinated with the Chief PNP for all police commanders to monitor and immediately take action on violations of the quarantine protocols that are going viral in the social media,” ani Eleazar.

Si Caramoan ay pinalitan ni Lt. Col. Alex Daniel bilang officer-in-charge ng MPD Station 5.

Screenshot ng Twitter post ni Richi_Richy

Loading…