Na-miss mo na rin bang magdula-dulaan sa paaralan?

  • Nanariwa sa mga netizens ang pagsasagawa ng dula-dulaan sa paaralan
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng isang mag-aaral na nasa loob ng kulungan ng manok
  • Ang naturang mag-aaral ay gumaganap na Ibong Adarna

Isa sa mga binago ng pandemya para makiangkop sa “New Normal” ay ang pagdaraos ng mga pisikal na klase. Upang maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, minabuti ng Department of Education na ituloy ang pagbubukas ng mga klase sa pamamagitan ng blended o distance learning.

Kaya naman, isa sa mga nami-miss ng mga netizens ang mga gawaing pangklase gaya ng pagsasagawa ng dula-dulaan o role-playing. Iyan ang nostalgiang hatid ng larawan sa Facebook page na “Ate Minini” kung saan makikita ang mga mag-aaral sa Grade 7 na isinasadula ang koridong “Ibong Adarna.”

Imahe mula sa Facebook page na Ateng Minini

Bukod sa mga props na talaga namang pinaghandaan at mga costumes ng mga tauhan, agaw-pansin ang gumanap na Ibong Adarna na nasa loob ng de-tuping kulungan ng manok, na kadalasang makikita sa mga bakuran, lalo na kapag nag-aalaga ng mga panabong.

Biro tuloy sa caption, “To all incoming Grade 7, nahuli na po ang Ibong Adarna.”

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Lagot ka sa Papa mo kinuha mo kulungan ng manok niya,” pabirong banat ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Hahaha, naalala ko noong hayskul kami, walang ginawa ang teacher namin kundi magpa-groupings at magpadula-dulaan. Tapos walang pali-paliwanag sa lesson, quiz na kaagad.”

“Nakaka-miss tuloy bumalik sa hayskul hahaha. Walang nakaisip na puwede palang magdala ng kulungan ng manok hahahaha, tapos ipasok sa loob ang gaganap na Ibong Adarna. Sa ngayon kaya, mararanasan pa kaya ng mga students ang magdula-dulaan? Sana matapos na ang pandemyang ito,” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Ang dula-dulaan o role-playing ay isa sa mga estratehiya ng pagtuturo ng isang guro, na nasa kategorya ng performance task o gawaing pagganap. Ito ay isa ring paraan ng pagpapahalagang pampanitikan o literary appreciation bilang pagkilala sa isang obra maestra sa Panitikan.

Source :

Facebook

Loading…