Nagpakalat ng fake news tungkol sa ‘physical distancing’ ni Sec. Año kinasuhan na ng DILG

Imahe mula sa PNA
  • Sinampahan na ng reklamo ang netizen na nagpakalat ng ‘fake news’ tungkol sa sinabi ni Año
  • Ang netizen ay administrator ng isang Facebook page kung saan nag-viral ang meme
  • Sana daw ay magsilbi itong aral sa iba na mahilig magpakalat ng maling impormasyon sa social media

Sinampahan na ng reklamo ang netizen na pinaniniwalaang nasa likod ng kumalat na malisyosong ‘fake news’ kung saan ginawang katawa-tawa ang payo ni Interior Secretary Eduardo Año tungkol sa physical distancing.

Kinumpirma ni DILG Spokesperson Usec Jonathan Malaya na nagsampa na nga ng kaukulang kaso si Año laban kay Gabriel Marvin Cabier na siyang itinuturong nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa sinabi daw ng kalihim na kailangang mag-physical distancing ang mag-asawa matapos magsiping.

Sec. Año| Imahe via Facebook

“Ang pagsasampa natin ng kaso ay isang paalala na maging responsable po tayo sa ating ipinopost sa social media. Gamitin po natin ito para sa kabutihan lalo na at tayo ay nahaharap sa isang matinding krisis,” ani Malaya nitong Lunes.

Si Cabier, 26 anyos at residente ng Cebu City, ay administrator umano ng Facebook page “One Ride One Shot” kung saan unang ibinahagi ang meme ni Año. Kaagad nag-viral ang nasabing meme noong Agosto 11 at humakot ito ng mahigit 11,000 shares, 3,600 reactions at 1,900 comments.

“Our freedom of expression is not absolute especially if it distorts facts. This freedom cannot be used to spread fake news or to dish out disinformation,” dagdag pa ni Malaya.

Sana raw ay magsilibi itong babala sa iba pang mahilig magpakalat ng maling impormasyon at balita sa social media.

Imahe mula sa Twitter

“We pushed through with the filing of criminal cases as a warning to all would-be perpetrators of fake news to think twice before they do something similar. We will prosecute him to the fullest extent of the law. Mali po ito at hindi po natin ito dapat kunsintihin,” paliwanag pa ng DILG official.

Ang reklamo ay isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Agosto 20.

Si Cabier ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances) may kaugnayan sa  Section 6 ng Republic Act 10175  o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Loading…