National donation at recycling program para sa electronic gadgets iminungkahi ni Sen. Lito Lapid

Imahe mula sa Teclane
  • Ipinanukala ni Sen. Lito Lapid na magkaroon ng donation at recycling program para sa mga e-gadgets
  • Sa ilalim ng SB No. 1846, inaatasan ang mga manufacturers at retailers ng electronic gadgets na magkaroon ng mga donation at recycling booths sa kanilang outlets at service centers
  • Sa taong 2021, tinatayang 24.9 million units ng lumang mobile phone ang ididispatsa ng mga users

Isinusulong ni Senator Lito Lapid na magkaroon sa buong bansa ng donation at recycling program para sa electronic gadgets.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid

Sa ilalim ng inihain niyang Senate Bill Number 1846, ang mga manufacturers at retailers ng mga electronic gadgets ay aatasan na magkaroon ng donation at recycling booths sa kanilang mga outlets at service centers kung saan maaaring dalhin ang mga lumang cellphones at laptops na pwede pang magamit o ma-recycle.

Ayon kay Sen. Lapid, madalas na itinatapon na lang nga mga users ang luma nilang gadgets kapag nakabili na ng bago. Nakadaragdag umano ito sa problema sa electronic wastes.

“Hindi natin masisisi ang ating mga kababayan kung gugustuhin nilang palitan ng bago ang kanilang mga gadget kahit hindi pa ito sira, lalo kung may pambili naman sila. Pero kung tutuusin ang mga lumang gadget gaya ng mobile phones at laptop, hindi naman kailangan itapon,” aniya.

Maaari pa naman daw na mapakinabangan ng iba ang mga iyon sa halip na itapon na lang.

“Puwede pa itong ipamigay dahil marami pa ang puwedeng makinabang dito lalo sa panahong ito. Maraming mga estudyante at guro ang walang magamit na cellphone o computer habang nasa online classes tayo dahil sa pandemya,” paliwanag ng senador.

Imahe mula sa Crenovated

Nakapaloob sa panukalang Electronics Donation and Recycling Program na ang mga nakolektang gadgets mula sa donasyon ay ibibigay sa Department of Education na siyang magpapamahagi ng mga ito sa mga mararalitang estudyante.

Ang mga gadgets naman para sa recycling ay dadalhin sa mga pasilidad na accredited ng Department of Environment and Natural Resources na may kakayahang mag-recycle ng mga gadgets at components ng mga iyon.

Sa pagsusulong ng panukala, binanggit ng senador ang pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines na nagsasabing sa taong 2021 ay 24.9 million units ng cellphones ang tinatayang itatapon batay sa pahayag ng mga respondents sa survey na nagpapalit sila ng mobile phones kada isa hanggang dalawang taon.

Ang kakulangan ng gadgets para sa mga estudyante mula sa low-income families at ang wastage dahil sa pagtatapon ng lumang gadgets ang nag-udyok kay Senator Lapid na isulong ang kanyang panukala.

Imahe mula sa DepEd

Loading…