No beep card, no ride: Cashless transactions sa EDSA Busway System simula na sa October 1

Imahe mula sa DOTr
  • Ipatutupad na ang cashless transactions sa mga pampasaherong bus sa EDSA Busway System simula October 1
  • Hinihikayat ng LTFRB ang mga pasahero na bumili na at magpa-load ng sariling beep card
  • Ang “No beep card, no ride” policy ay mahigpit na ipatutupad

Sisimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng cashless transaction system gamit ang beep card sa mga public utility buses na gumagamit ng EDSA Busway System. Simula sa Huwebes, ika-1 ng Oktubre, ay hindi na papayagang sumakay ng bus ang mga commuters na walang beep card.

Imahe mula sa DOTr

“No beep card, no ride,” pahayag ng DOTr.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor, ang inisyatibo ay bahagi ng karagdagang safety measures upang mabawasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng physical distancing sa pagitan ng mga pasahero at service providers.

“We want to ensure that commuters along EDSA will have a safer and comfortable travel, while at the same time providing them a more seamless and efficient system of public transport,” sabi ni Asec. Pastor.

Kaugnay ng bagong polisiyang ito, hinihikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang commuters na bumili at mag-load ng kanilang sariling beep card upang maiwasan ang abala kapag ipinatupad na ang automated fare collection system.

Maaring makapag-load ng beep card sa alinmang istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), sa mga branches ng Family Mart at Ministop, Bayad Center, BPI, Eon by Unibank, Akulaku at Justpayto.

Imahe mula sa Beep

Ang beep card ang tanging inter-operable stored value card na maaaring magamit sa LRT-1, LRT-2, MRT-3, point-to-point buses, EDSA buses at modern jeepney.

Maaari din itong gamitin sa mga tollways at retail partners. Ang card ay reloadable at may four-year validity.

Loading…