Noli De Castro hindi iiwan ang ABS-CBN: “Ako po ang tunay na Kapamilya Forever”

Image by Kabayan Noli De Castro via Instagram
  • Kabayan Noli De Castro sinabing siya ay tunay na Kapamilya Forever
  • Ani De Castro: “Nagsimula ako dito nang magsimula ang ABS-CBN after ng martial law. Martial law na naman, nandito pa naman ako, ay ‘di pala martial law ‘yun”
  • May komento rin siya sa mga kasamahan sa ABS-CBN na lumipat ng ibang istasyon

Mananatiling “Kapamilya Forever” si Noli De Castro; ito ang pahayag ng beteranong brodkaster sa kanyang programang Kabayan na napakikinggan at napapanood sa Teleradyo.

Image by Kabayan Noli De Castro via Instagram

“Ako po ang tunay na Kapamilya Forever. Nagsimula ako dito nang magsimula ang ABS-CBN after ng martial law. Martial law na naman, nandito pa naman ako, ay ‘di pala martial law ‘yun. Nandito pa kami, another martial law,” ang wika ni De Castro makaraang may tagapakinig na nanawagang huwag niyang iiwan ang Kapamilya Network.

Matatandaang kabilang sa mga ipinasara ang ABS-CBN noong panahon ng martial law nang i-takeover ng pamahalaan ang kontrol sa lahat ng media companies. Naganap ito sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Naibalik ang ABS-CBN sa mga Lopez noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino.

Samantala, ang “another martial law” ay maaaring patama sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte na minsang nagbitiw na hindi mare-renew sa ilalim ng kanyang administrasyon ang prangkisa ng network; hindi pinagkalooban ng Kongreso ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

Dagdag pa ng brodkaster, “‘Yung ibang nagsasabi di naman pala forever. Wala naman forever kasi.”

Tinutukoy niya rito ang mga dating kasamahan sa ABS-CBN na piniling lumipat ng ibang istasyon makaraang hindi ma-renew ang ABS-CBN franchise.

Image by Kabayan Noli De Castro via Instagram

Sa kasalukuyan ay napapanood si De Castro bilang host ng longest-running Filipino language evening newscast na TV Patrol, kasama niya rito si Bernadette Sembrano.

Kabilang siya sa original hosts ng news program nang magsimula itong umere noong March 2, 1972. Ang iba pang mga original host ay sina Mel Tiangco at Robert Arevalo.

Umalis siya sa TV Patrol nang kumandidato bilang Senador ng Pilipinas noong 2001. Nanungkulan siyang bise Presidente sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Loading…