P1,000 note na may maling spelling ng pangalan ni Pang. Duterte, hindi legal tender – BSP

Imahe mula sa Esquire/Manila Bulletin
  • Lumabas sa Wikipedia kamakailan ang P1,000 banknote na may maling spelling ng pangalan ni Pangulong Duterte
  • Isang mapanuring Reddit user ang nakapansin dito at naisulat din sa artikulo ng isang website
  • Itinanggi naman ng BSP na ang nabanggit na banknote ay isang legal tender

Nagpaliwanag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa kopya ng isang P1,000 papel na unang lumabas sa pahina ng Wikipedia at napansin ng isang netizen na mayroong mali sa nakasulat dito.

Parehong lumabas ang kuwento ng nasabing bill sa Esquire at Manila Bulletin ilang araw pa lang ang nakararaan.

Imahe mula sa Esquire/Manila Bulletin

Ayon sa mga ulat, napansin ng isang mapanuring Reddit user ang pagkakamali sa spelling ng pangalan ng Pangulo na ang nakalagay ay ‘Rodrigo Boa Duterte’ imbes na ‘Rodrigo Roa Duterte’.

Na-upload umano ang kopya ng nabanggit na Philippine note noong Agosto 12 at nanatili sa Wikipedia hanggang nitong Setyembre 29.

Marami naman ang naintrigang netizens at sinabing kailangang suriin din nila ang kanilang pera sapagkat ito ay bibihira lamang at maaaring isang ‘collector’s item’ na umano na mas malaki ang halaga kaysa sa aktuwal na value ng pera.

Imahe mula sa Esquire/Manila Bulletin

Subalit nitong Miyerkules, naglabas ng pahayag ang BSP na ang nabanggit na perang papel ay hindi isang legal tender.

“Based on the verification by the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), the P1,000-Piso banknote with the alleged misspelled name of President Rodrigo Roa Duterte featured in a story in a website is not legal tender. The serial shown in the said banknote does not match any of the ones issued by the BSP for the P1,000-Piso Enhanced Generation Currency banknote,” paliwanag ng BSP.

Tiniyak rin ng BSP na patuloy silang makikipagtulungan sa mga stakeholders kabilang na ang media sa pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa Philippine currency upang maprotektahan ang pera ng bansa.

Imahe mula sa BSP

Sa pinakahuling pag-check sa pahina ng Wikipedia, natanggal na ang nasabing banknote at napalitan na ito ng mayroong tamang baybayin ng pangalan ng presidente.

Ayon sa ilang netizens, hindi ito ang unang nagkaroon ng pagkakamali sa pag-imprenta ng pera dahil nangyari na umano ito sa pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naging ‘Arrovo’ noong 2005.

Noon namang 2017, lumabas ang ilang perang papel na P100 na walang mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas.

Loading…