P17.4-M na hulog ng OFWs pekeng resibo ang ibinigay, ayon sa dating PhilHealth official

Imahe mula sa Pinoy Formosa
  • Ibinulgar ng isang empleyado ng PhilHealh ang tungkol sa pekeng resibong ibinibigay sa mga OFWs
  • Umabot umano sa mahigit P17.4-M halaga ng OFW premium ang naibulsa ng sindikatong sangkot
  • Kilala rin umano niya ang nasa likod ng kalakaran ng modus

Patuloy pa rin ang pagsisiwalat ng samu’t-saring katiwalian sa loob ng PhilHealth simula nang imbestigahan sa Kongreso ang mga opisyal na umano’y sangkot dito.

Sa pinakahuling ginanap na sabay na pagdinig ng House committee on Public Accounts and Good Government at Public Accountability, ibinulgar sa pagkakataong ito ng isang dating empleyado ang tungkol naman sa pag-issue diumano ng mga pekeng resibo sa ilang OFWs na nagbayad ng kontribusyon.

Sa naging pahayag ni dating Philhealth senior auditing specialist Ken Sarmiento, ibinahagi nito na nadiskubre niya umano na aabot sa P17.4-M na halaga ng kontribusyon ng mga OFW ang nabigyan ng pekeng resibo.

Ken Sarmiento| Imahe mula sa Facebook

Unang natuklasan ni Sarmiento, na noon ay naka-assign sa POEA OFP Operations Office ng PhilHealth, ang kuwestiyunableng resibo na inisyu sa isang OFW na hindi nai-remit sa kanila ang premium na nagkakahalaga ng P2,400.

Ang resibo ay inisyu ng isang manpower agency noong Setyembre 2015. Ayon kay Sarmiento, matapos nilang imbestigahan ito, natuklasan nilang mayroon pang 168 na pekeng resibo na galing din sa nasabing manpower agency at hindi naibigay sa PhilHealth ang premium.

Noon namang 2018, mayroon pa silang nadiskubre na 228 confirmed na kaso ng kaparehong modus at 868 suspected cases.

Imahe mula sa Philhealth

Base sa kanilang pagsusuri, umabot sa 7,257 na OFW ang nagbayad ng kanilang premium subalit hindi ito naremit sa PhilHealth. Ito ay katumbas umano ng P17,416,800 halaga ng pera na naibulsa ng sindikatong sangkot sa modus.

Ayon pa kay Sarmiento, sa bawat P2,400 na ibinabayad ng OFWs, P900 dito ay napupunta sa gumagawa ng pekeng resibo habang P1,500 naman ang ibinubulsa ng liaison officer.

Kilala umano niya ang mga sangkot dito at ang kalakaran ng nasabing raket.

Sinubukan din daw niyang isumbong sa Regional Director ng PhilHealth ang modus subalit siya pa ang na-demote at inilipat ng opisina.

Loading…