P8-B sa Taguig, P11.8-B sa CamSur? Ilang kongresista nagkagirian sa DPWH budget allocation

[L-R] Teves, Yap, Villafuerte| Mga imahe mula sa Facebook
  • Nauwi sa mainit na pagtatalo ang budget hearing ng DPWH sa Kamara
  • Ito ay dahil umano sa mas mataas na alokasyon na mapupunta sa Taguig City at Camarines Sur
  • Ang debate ay nauwi sa usapin ng pagpapalit ng leadership sa Kamara

Nauwi sa pagtatalo tungkol sa speakership ng Kamara ang budget deliberation para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Biyernes ng House committee on appropriations matapos kuwestiyunin ng ilang kongreisita ang diumano’y malaking pondo na mapupunta sa Taguig City at Camarines Sur.

Naunang nagpahayag ng pagkabahala si Negros Oriental 3rd Dist. Rep. Arnolfo Teves Jr. dahil sa tila hindi patas na hatian ng pondo para sa imprastraktura na mistulang pabor sa ibang kongresistang may mataas na posisyon.

Rep. Teves| Imahe mula sa Latigo News TV

“Are they personalities? Party affiliation? Position? Or others, please elaborate and specify,” sunod-sunod na tanong ni Teves kay Sec. Mark Villar noong Huwebes.

Kaugnay nito, isiniwalat ni Teves ang diumano’y mas malaking alokasyon na mapupunta sa Taguig City at probinsiya ng Camarines Sur.

“Tsismis lang naman ito, gusto ko lang ma-confirm kung totoo ba na ang Taguig City is getting more than P8 billion and Camsur is getting P11.8 billion?” tanong muli ni Teves bagama’t inamin nitong wala siyang kumpletong datus para suportahan ang kaniyang alegasyon.

Ang Taguig City ay balwarte ni Speaker Alan Cayetano habang ang Camarines Sur naman ay ang probinsiya ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte ng 2nd District.

Dahil sa mainit na debate, napilitan si House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na isuspinde muna ang pagdinig.

Rep. Villafuerte| Imahe mula sa About.Me

Subalit nitong Biyernes, hindi pinalampas ni Rep. Villafuerte ang mga pasaring ni Teves. Tinawag nitong “rumormonger” ang kapwa mambababatas dahil sa pagkakalat ng balitang wala naman umanong basehan.

Hindi rin itinago ng Bikolanong kongresista ang kaniyang hinala na may kinalaman ito sa usapin ng speakership sa Kamara.

“It is clear as day that Congressman Teves launched this chicanery on the basis of mere hearsay as part of the sinister ploy hatched by the Velasco camp, in cahoots with former Negros Occidental representative Alfredo Abelardo Benitez, to wreck Speaker Cayetano’s commitment to fast-track the approval of the 2021 GAA by hopefully finishing the committee and plenary deliberations on the budget in record time by end-September,” giit ni Villafuerte.

Paliwanag pa nito, kung talagang may P11.8-B man na inilaan para sa Camarines Sur na mayroong limang distrito, lumalabas na mahigit P2-B lamang ang mapupuntan sa kada distrito.

Kaugnay nito, dinepensahan rin ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap, chairman ng House Committee on Appropriations, ang malaking pondo na mapupunta sa Taguig. Aniya, nasa lungsod ang Fort Bonifacio kung saan may nakalinyang ilang malalaking proyekto.

Rep. Velasco at Speaker Cayetano| Imahe mula sa Head Topics

“Iyung Taguig kasi karamihan doon FLR (for later release) eh kaya hindi mo siya masasabing new projects. Iyun ‘yung mga last year na project na imbes na mapunta this year na 2020, nangyari may mga FLR nilagay sa 2021. Kung titignan mo ang new projects ng Taguig di po siya ganun kalaki especially mga kampo, mga bases po nakakarga po lahat ‘yun,” paliwanag ni Yap sa panayam ng ABS-CBN.

Si Teves ay kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, habang si Villafuerte naman ay kilalang malapit kay Cayetano.

Nitong darating na Oktubre, nakatakdang maging Speaker si Velasco kapalit ni Cayetano sa ilalim ng kanilang ‘gentleman’s agreement’ bagama’t may usap-usapan na posibleng hindi ito matuloy dahil walang planong bumaba sa puwesto ang kongresista ng Taguig at dating senador.

Loading…