Pagbaba ng bilang ng bagong COVID-19 cases posible sa “no home quarantine” policy

Screenshot mula sa UNTV video
  • “No home quarantine” policy target ng NTF at DILG
  • Batay sa datos, nagkakahawahan ang mga magkakamag-anak kapag may kasamang pasyenteng naka-home quarantine
  • Naobserbahan sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila ang malaking pagbaba ng bilang ng infections kapag inililipat sa government isolation facilities ang mga pasyenteng naka-home quarantine

Inirerekomenda ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na ipagbawal na ang home quarantine para sa mga taong nagpositibo sa COVID-19. Ito ay upang maiwasan ang pagkakahawaan sa pagitan ang mga magkakamag-anak sa loob ng bahay at sa mga miyembro ng komunidad.

Screenshot mula sa UNTV video

Batay sa umiiral na sistema, ang home quarantine ay pinapayagan sa mga mild at asymptomatic COVID-19 patients kung may sarili silang kuwarto na mayroong toilet na magagamit.

Tinatarget ni NTF chief implementer Sec. Carlito Galvez at Department of Interior and Local Government Secretary (DILG) Eduardo Año na magpatupad ng “no home quarantine “ policy sa buong bansa.

Nakatulong daw ang ganitong polisiya, na ipinatutupad sa Valenzuela City at sa Bulacan, na bumaba ang bilang ng COVID-19 transmission sa mga magkakasambahay.

“Mahirap magkaroon ng home quarantine. So, talagang ang isolation phase natin is very aggressive tsaka absolute na lahat ng positive kailangan i-isolate natin kasi nakita natin kahit mayayaman po nag-home quarantine nahahawa po kanilang kamag-anak,” sabi ni Sec. Galvez.

Screenshot mula sa UNTV video

Ayon pa sa kanya, naobserbahan ang malaking pagbaba ng bilang ng COVID-19 infection sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila dahil ang mga pasyente sa bahay ay inilipat sa mga government isolation facilities.

“Noong tinanggal po natin ang home quarantine sa area na iyon, talagang nakita natin bumababa ng napakalaki ang kaso sa area na iyon.  Kung talagang magkakaroon tayo ng aggressive isolation ng mga positive cases at maihihiwalay natin iyan sa community, malaki po ang tsansa na talagang bababa, hindi lang mag-flatten ang curve kundi bababa po ang ating cases into single digit number,” pahayag ng kalihim.

Screenshot mula sa UNTV video

Sinabi ni DILG Sec. Año na tinitingnan nila kung maaari nang ipatupad ang ganitong policy ngayong linggong ito. Exempted daw ang mga matatanda sa policy dahil mas malaki ang tsansang lumala ang kanilang kondisyon kung ita-transfer pa sa isolation facility.

Source :

UNTV, Inquirer

Loading…