Pagbabago sa Salary Standardization Law, solusyon sa ‘mababang sahod’ ng gov’t nurses – Palasyo

Imahe mula sa Asia Media International
  • Kailangang idaan sa Salary Standardization Law ang planong wage hike para sa mga gov’t nurses
  • Sa kasalukuyan maganda naman daw ang dagdag na package na natatanggap nila
  • Para sa mga nasa pribadong sektor, bahala na umano ang malayang merkado na magtakda

Iminumungkahi ng Malakanyang na baguhin ang Salary Standardization Law (SSL) para maitaas ang sahod ng nga medical workers sa gobyerno. Ito ay matapos lumabas sa isang ulat na ang mga nurses sa Pilipinas ang may pinakamababang suweldo kumpara sa ating mga karatig bansa.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa kasalukuyan ay binigyan naman ng karagdagang package ang mga medical frontliners tulad ng hazard pay at libreng insurance.

“Hindi ko po alam kung totoo iyang report na iyan ‘no pero ang ginawa na po natin sa pamamagitan ng Bayanihan II ay binigyan natin ng karagdagang hazard allowance ang mga frontliners natin,” ani Roque.

Imahe mula sa PCOO

“Binigyan din natin sila ng libreng board and binigyan po natin silang ng libreng life insurance at mayroon din po silang mga libreng tests ‘no. So sa tingin ko, maganda naman po iyong package na binibigay natin ngayon sa ating mga frontliners,” wika pa nito.

Kung sakali man daw na talagang mababa ang take home pay ng mga nurses ngayon sa bansa, ang solusyon dito ay baguhin ang SSL.

“Gayunpaman, kung iyan po ay mababa pa sa ating mga karatig na bansa, pagdating po sa mga nurses sa gobyerno ang solusyon po diyan ay siguro bago iyong classification—o baguhin iyong classification ng nurses sa government Standardization Law ‘no, Salary Standardization Law nang mailagay ang mga frontliners natin sa mas mataas na salary grade,” dugtong pa ni Roque.

Imahe mula sa iPrice

Sa mga nasa pribadong sektor naman, ang malayang merkado na raw ang magdidikta ng sahod.

Lalo pa ngayon na maraming nurses na nais lumabas ng bansa, dapat umano ay magbigay ang mga pribadong ospital ng competitive na sahod para maengganyo silang manatilii na lang muna sa Pilipinas.

Lumabas kamakailan sa pag-aaral na isinagawa ng iPrice na ang Filipino nurses ay kumikita lamang ng P40,381 kada buwan kumpara sa Vietnam na P63,000; Malaysia – P97,000, Thailand – P83,000 at Indonesia P79,000.

Kumpara naman sa Singapore, mataas ng halos 486% ang kinikita ng mga nurse doon sa halagang P274,000 kada buwan.

Loading…