Pagkakasukol sa isang kawatan mistulang kuwento ni “Cinderella”

  • Mala-Cinderella ang nangyari sa isang kawatan
  • Naiwan niya ang isang kapares ng kaniyang tsinelas sa bahay ng kaniyang biktima
  • Nag-match sa kaniya ito nang masukol siya ng mga pulis na tumugis sa kaniya

Hindi inakala ng isang kawatan na mangyayari sa kaniya ang kuwento ni “Cinderella” dahil nasukol siya ng mga pulis matapos gamiting ebidensiya laban sa kaniya ang kapares ng kaniyang tsinelas na naiwan niya sa lugar kung saan tinangka niyang mang-agaw ng cellphone ng kaniyang biktima.

Nangyari ang insidente sa isang bayan sa General Santos City kung saan pinasok ng naturang kawatan ang bahay ng kaniyang biktima, tangay ang cellphone nito.

Image capture mula sa Unang Balita/Public Domain Image

Nang mapansin ito ng biktima, agad itong humiyaw at humingi ng saklolo. Sa katarantahan, iniwan nito ang kukunin sanang cellphone, at naiwan din ang isang kapares ng tsinelas. Sa tulong ng ilang mga saksi, hinabol at natunton ng mga pulis ang tinitirhan nito, na nasa kabilang kalsada lamang.

Napansin nilang nawawala ang kapares ng suot nitong tsinelas, kaya ipinasuot nila rito ang naiwan nitong kapares sa bahay ng biktima. At kagaya ng fairy tale ni Cinderella, nagkasya at nag-match naman ito. Subalit hindi ito “happily-ever-after” para sa kawatan dahil katibayan ito ng kaniyang ginawang kasalanan.

Nagdulot naman ng katatawanan ang naturang pangyayari sa mga netizens.

“Huwag kang mag-alala, baka iligtas ka ng fairy god mother mo sa selda!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sisihin mo si fairy god mother mo, sablay ang kaniyang plano. Sana hindi ka na lang namangha at naging curious sa kaharian ng kapitbahay mo… ‘yan tuloy, kalaboso ka.”

“Hindi ko mapigilang hindi matawa sa mga nangyari. Sino kaya ang Princess o Prince Charming na magliligtas sa kaniya? Mala-Cinderella ang datingan nito hahaha,” wika naman ng isa.

Image capture mula sa Unang Balita/Public Domain Image

Ang katulad na pangyayari nito sa fairy tale ay ang pagkakaiwan ni Cinderella sa kapares ng kaniyang sapatos sa kaharian. Nagmamadali siyang umuwi sa kanila pagsapit ng 12:00 ng hatinggabi bilang pagsunod sa kaniyang fairy godmother. Ito naman ang naging batayan ng Prince Charming upang mahanap siya.

Loading…