Pagsisiyasat sa paglabag ni Sen. Koko sa quarantine protocol muling bubuksan ng DOJ

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Koko Pimentel
  • Muling bubuksan ang imbestigasyon sa kaso ni Sen. Koko Pimentel
  • Ito ay matapos matanggap ng DOJ ang memo ng NBI hinggil sa incident report mula sa opisyal ng ospital
  • Dati nang humingi ng paumanhin si Pimentel hinggil sa pangyayari

Muling bubuksan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa diumano’y paglabag sa quarantine protocol ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III noong Marso.

Magugunitang sinampahan si Pimentel ng kasong paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ni Rico Quicho, isang abugado.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Pimentel sa isang insidente noon sa Makati Medical Center kung saan dinala ng senador ang kaniyang magsisilang na misis habang hinihintay pa ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Koko Pimentel

Kinalaunan ay nalamang nagpositibo ang senador sa coronavirus na siyang dahilan upang kondenahin ng Makati Med ang kaniyang naging aksiyon.

Sa isang DOJ order na may petsang Setyembre 9, sinabi ng mga prosecutor na bubuksang muli ang reklamo upang maisama ang incident report na nagmula kay Makati Medical Center Medical Director Saturnino Javier.

Ayon kay Assistant State Prosecutor Wendell Bendoval, nakatanggap umano sila ng memorandum mula sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 4 na nakasaad ang resulta ng kanilang pagsisiyasat at may kasama nang kopya ng incident report ni Javier.

“In view of the foregoing and in line with the policy of admitting all evidence that could assist in the judicious resolution of complaints, the preliminary investigation of this case is hereby re-opened,” anang DOJ order.

Kapwa inatasan din sina Pimentel at Quicho na magbigay ng kanilang hiwalay na komento bago sumapit ang Setyembre 21.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Bago pa ito, naghihintay na lang ng resolution ng mga prosecutor ang reklamo laban kay Pimentel matapos kumpletuhin ang kanilang preliminary investigation noong Hulyo 24.

Bilang depensa, iginiit ni Pimentel na walang sapat na basehan ang reklamo ni Quicho.

“It is based principally on news reports. Considering (complainant) Atty. (Rico) Quicho’s lack of personal knowledge, I am being charged based on mere hearsay,” anito.

Humingi na rin ng paumanhin ang senador at sinabing wala siyang nilabag na protocol dahil hindi naman siya PUI noong siya ay pumunta sa Makati Med.

Loading…