Pampanga governor nadismaya sa hindi makataong paglalagay ng barikada sa bahay ng COVID-19 patients

Imahe mula sa Pampanga Provincial Information Office
  • Kinondena ni Pampanga Gov. Dennis Pineda ang paglalagay ng barikada sa palibot ng bahay ng mga COVID-19 patients
  • Tinawag niyang inhumane ang ginawa ng mga barangay officials
  • Ani Gov. Pineda, hindi sagot sa virus ang ganoong klaseng approach ng barangay sa mga COVID-19 patients

Dismayado si Governor Dennis “Delta” Pineda sa ginawa ng mga barangay officials na paglalagay ng barikada sa palibot ng bahay ng mga COVID-19 patients sa dalawang bayan sa Pampanga

Imahe mula sa Pampanga Provincial Information Office

Ayon kay Gov. Pineda, hindi makatao ang ginawa ng mga opisyales ng barangay na paglalagay ng mga yero para harangan at nang hindi makalabas ang mga naninirahan sa dalawang magkahiwalay na bahay sa probinsya – isa sa Guagua at isa sa Porac.

“Hindi natin puwedeng itrato ng gano’n ang mga COVID patient natin. Hindi sagot ‘yun laban sa virus ‘yung ganoong klaseng approach ng barangay. Ang dapat is tulungan natin sila,” anang gobernador.

“Tama na pong isolate natin ang maysakit at huwag palabasin pati miyembro ng kanilang pamilya. Kung may iba pang kapamilya ang may sintomas, magrequest po kayo ng swab test sa Diosdado P. Macapagal Memorial Provincial Hospital,” dagdag pa niya.

Kuwento ng isang kasama ng pasyente sa bahay sa Porac, nagtungo raw sa kanila ang mga barangay officials nang malamang nagpositibo sa COVID-19 ang kaanak na nagdadalantao.

Bago pa man makumpirma na positibo ang ginang ay nag self-isolate na ito noong nakaraang linggo dahil may close contact siya sa asawang COVID-19 patient.

Imahe mula sa Pampanga Provincial Information Office

Nagpaalam naman daw ang mga taga-barangay na maglalagay ng barrier sa tapat ng bahay, ngunit ang ginawa ng mga ito ay ipinako sa harap mismo ng kanilang gate at ang buong bakuran ay pinalibutan ng mga yero.

“Pumunta dito ‘yung barangay. Nagpaalam po sila na haharangan po ‘yung bahay which is barriers lang po, ‘yung malayo sa gate,” ayon sa kaanak ng pasyente.

“Dumating ulit sila, tapos nagpaalam na po sila na babakuran so pumayag na po kami. Tapos kumain na po kami no’n. Pagkalabas po namin after kumain, pagkakita po namin nakaharang na po ‘yung mga yero,” sabi pa niya.

Para umano silang kriminal kung ituring ng mga barangay officials.

Nang malaman ito ni Porac Mayor Jing Capili ay agad niyang ipinatanggal ang barikada.

Paliwanag ng barangay secretary, ang utos daw ng kapitan sa mga barangay tanod ay lagyan ng barikada ang street kung saan naroon ang bahay ng pasyente at hindi ang mismong bahay.

Desidido ang pamilya ng COVID-19 patients na pormal na ireklamo ang mga barangay officials.

Loading…