Pangalawang crew ng lumubog na barko sa Japan natagpuan ng coast guard

Imahe mula sa Stuff.co.nz
  • Natagpuan ang pangalawang crew member ng lumubog na freighter ship sa karagatan ng Japan
  • Hindi pa matiyak ang kalagayan, pagkakakilanlan at lahi ng natagpuang crew
  • Isang Pinoy ang una nang nailigtas ng Japan Coast Guard noong Huwebes

Natagpuan ng Japan Coast Guard (JCG) ang isa pang crew member ng nawawalang freighter ship na pinaniniwalaang lumubog sa karagatan matapos hampasin ng malalaking alon noong Miyerkules.

Walang malay umano at nakitang palutang-lutang sa yelo ang nasabing crew mga 120 kilometro mula sa  Amani Island bandang alas-6:30 umaga nang Biyernes. Natagpuan rin sa lugar ang ilang piraso ng life jacket at mga labi ng baka na karga ng barko.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang crew ng freighter ship subalit hindi pa malinaw ang kalagayan nito bagama’t may lumabas na ulat na binawian din ito ng buhay. Hindi pa rin inilalabas ng JCG ang pagkakakilanlan ng pangalawang crew at kung anong lahi ito.

Imahe mula sa Yahoo News

Una nang natagpuan at nailigtas nitong Huwebes ang isang crew member na nakilalang si Eduardo Sareno (Sareno Edvarodo?), 45 anyos, isang Pinoy at chief officer ng Gulf Livestock 1 na lumubog sa East China Sea sa kasagsagan ng bagyong Maysak nitong Miyerkules ng gabi.

BASAHIN: Freighter ship na may 39 Filipino crew nawawala sa dagat ng Japan; 1 Pinoy nailigtas 

Base sa salaysay ni Sareno sa JCG, namatay ang makina ng barko bago pa man ito lumubog. Pinagsuot umano sila ng life jacket bago inatasang tumalon sa dagat.

Subalit wala na raw siyang nakita sa kaniyang mga kasamahan pagkatapos niyang tumalon hanggang sa siya ay mailigtas ng coast guard.

Gulf Livestock 1| Imahe mula sa Marine Traffic

Patuloy pa rin ang paghahanap ng JCG sa nalalabi pang crew members ng lumubog na barko. Ayon sa mga naunang ulat, mayroon itong 43 crew kabilang na ang 39 na Pinoy, 2 Australian at 2 New Zealander.

Agosto 14 nang bumiyahe mula sa New Zealand ang Gulf Livestock 1  at mayroon itong karga na humigit-kumulang na 6,000 livestock (baka). Patungong China ang nasabing barko nang hampasin umano ito ng malalakas na alon malapit sa Amami Oshima island.

Samantala, naglabas na ng pahayag ang Gulf Navigation na siyang may-ari ng Gulf Livestock 1.

“Our hearts go out to those onboard and their families at this time. We also express deep regret for the sad loss of the livestock on board. We are monitoring the situation closely and working closely with those involved in rescue efforts. We pray that there are other survivors,” ayon tagapagsalita ng kumpanya.

Loading…