Pangulong Duterte nais papanagutin ang nasa likod ng ‘malaswang’ learning modules

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Pabor si Pangulog Duterte na papanagutin kung sinuman ang nasa likod ng ‘malaswang modules’
  • Pinag-iisipan niya umano kung anong parusa ang ipapataw sa gumawa ng modules
  • Sang-ayon naman dito si Interior Secretary Eduardo Año na nangakong magbibigay ng rekomendasyon

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na papanagutin ang nasa likod ng kumalat na ‘learning modules’ na mayroong malalaswang pangalan at kinokondena ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa presidente, pabor siyang bigyan ng leksiyon kung sinuman ang gumawa ng nabanggit na modules lalo pa’t kumalat na ito sa Facebook kung saan maraming kabataan ang aktibong gumagamit.

“About a good percentage of our studentry is really dependent already [on] Facebook and whatever learning that they could get from there,” ani Pangulong Duterte.

Imahe mula sa Facebook

Pinag-iisipan niya rin umano kung anong klaseng parusa ang maaaring ipataw sa mga taong nasa likod ng ‘malaswang’ modules at nagbiro pang ‘sasampalin’ niya ito.

“Kami nag-uusap kung what sort of punishment.  If [it’s a] minor, we’ll have to deal with a minor. Pero kung matanda na ‘yan, ipadala mo sa Maynila, sampalin ko,” wika pa ng presidente.

BASAHIN: Modules na gumamit ng ‘mahalay’ na mga pangalan aprubado umano ng diocese

Tiniyak naman ni Interior Secretary Eduardo Año na nakikipag-ugnayan  ang DepEd sa Philippine National Police (PNP) upang malaman kung anong hakbang ang maaaring gawin.

“Magbibigay po kami ng rekomendasyon. Maganda po talaga na tuluyan ng kaso ito para ‘wag pong pamarisan,” ayon kay Año na sinang-ayunan naman ni Pangulong Duterte.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Magugunitang pinabulaanan ng DepEd na nagmula sa kanilang opisina ang nasabing modules kung hindi sa isang maliit na review center sas Zambales.

Para naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat ay ang Simbahang Katolika ang tanungin sa usaping ito dahil aprubado umano ng diocese ang modules.

“Katolikong eskuwelahan po iyan, gagamitin sa buong archdiocese na pinatatakbo ng Katolikong Simbahan. Siguro po ang dapat sumagot ay ‘yung liderato ng Simbahang Katolika, bakit sila nagbibigay ng ganyang module na may bastos,” ani Roque sa isang pahayag nitong Lunes.

Loading…