PANOORIN: Huling vlog ni Lloyd Cadena, puno ng pasasalamat sa ‘Cadenators’

Imahe mula sa video via YouTube | Lloyd Cafe Cadena VLOGS
  • Sa huling video na ini-upload sa YouTube channel ng pumanaw na vlogger na si Lloyd Cafe Cadena ay nagpasalamat ito sa kaniyang mga taga-suporta
  • Unti-unti na kasing nabibili ni Lloyd ang mga gamit para sa kanilang bagong bahay
  • Nakatira noon si Lloyd sa squatter’s area na nakatakda nang i-demolish

Puno ng pasasalamat para sa kaniyang mga tagasuporta ang huling video ng pumanaw na vlogger na si Lloyd Cafe Cadena.

Imahe mula sa Instagram | Lloyd Cafe Cadena

Kuha ang video na may pamagat na “LAST VLOG” noong Agosto 27 at ini-upload naman ito nitong Setyembre 19.

Dito ay nag-unbox si Lloyd ng fire extinguisher, soap dispenser, at speaker na binili niya para sa kanilang bagong bahay. Madalas ikuwento ni Lloyd noon sa kaniyang mga vlog na nakatakda nang i-demolish ang lumang bahay nila na nasa squatter’s area.

Pag-amin ng 26 anyos na vlogger, pinag-ipunan niya talaga ang mga gamit na noon ay pinapangarap niya lamang.

“Hindi ako gumastos nang masyado. Hindi ako naging burara sa pera. Nag-ipon talaga ako para mabili ‘yong mga gamit na gusto kong bilhin para sa bagong bahay namin. Kung sa tingin ninyo, ang dami naming unboxing lately, mayroon tayong bagong bahay at pinangarap ko lang ito noon,” sabi niya.

Imahe mula sa Instagram | Lloyd Cafe Cadena

“I am so thankful na magkakaroon na ako ng sariling TV computer speaker set. Nakikita ko lang ito sa mayayaman noon.”

Nagpasalamat din siya sa mga sumusuporta sa kaniyang channel dahil sa patuloy na pagtangkilik sa kaniyang videos. “Before we start, I want to thank all my Cadenators for supporting me. Dahil sa inyo, makukuha natin lahat ng mga pangarap.”

Matapos i-set up ang bagong speaker ay nagkantahan naman sina Lloyd at ang ilang miyembro ng grupong “Bakla ng Taon.”

“Kahit pandemic ngayon, hindi pa rin nawawala sa ating mga Pilipino ‘yong hilig nating kumanta. Ang pagkanta sa karaoke ay isa sa mga way para makalimutan natin na mayroong nangyayaring pandemya ngayon. Enjoy lang, happy happy lang,” ani Lloyd.

Setyembre 4 nang magulat ang mga netizens nang ianunsyo sa Facebook page ni Lloyd ang pagpanaw niya. Kinumpirma rin ng kaniyang pamilya na nag-positibo si Lloyd sa COVID-19.

Narito ang huling vlog ni Kween LC:

Source :

YouTube

Loading…