Pardon kay Pemberton posibleng kapalit ng access ng Pilipinas sa US COVID-19 vaccine

Imahe mula sa Facebook
  • Naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na ang pagbigay ni Pangulong Duterte ng absolute pardon kay Pemberton ay para sa kapakinabangan ng ating bansa
  • Sa tingin ni Roque, gusto ng Pangulo na magkaroon ng access sa vaccine na dine-develop ng US
  • Wala umanong problema si Roque sa desisyon ng Panguloe kahit na tumayo siya bilang abogado noon ng biktima ni Pemberton

Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ay bahagi ng layunin ng Pangulo na magkaroon ng access sa dine-develop na COVID-19 vaccine sa United States (US).

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Ani Roque, ang desisyon ng Pangulo ay para sa interes ng ating bansa.

Nilinaw ng tagapagsalita ng Pangulo na ang kanyang pahayag ay personal lang niyang opinyon.

Giit niya, wala siyang problema sa desisyon ng Pangulo na bigyan ng absolute pardon si Pemberton kung mangangahulugan naman iyon na mabibigyan ang mga Pilipino ng bakuna na pangontra sa COVID-19 na daan-daang libo na ang kinapitan.

“Tingin ko naman, itong desisyon ng Presidente, ito ay personal na opinyon ko, ang pagbibigay ng pardon kay Pemberton ay kabahagi ng pagnanais ng Presidente na kapag meron nang vaccine na ma-develop kung sa America man, ay makikinabang din ang Pilipinas,” sabi ni Roque sa kabila ng pagtayo niya bilang abogado ng pamilya ni Jennifer Laude, ang biktima ni Pemberton.

“Sa akin po, bagamat tayo po ang tumayong abogado ng pamilyang Laude, kung ibig sabihin naman niyan lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng vaccine kung Amerikano ang maka-develop, wala po akong problema dyan,” aniya.

Imahe mula sa MSN

Ayon pa kay Roque, nakamit na rin naman ng pamilya Laude ang hustisya dahil nahatulan naman si Pemberton at nagbayad pa ito ng halagang P4.3 million bilang civil liabilities sa pamilya ng biktima.

Ang paglaya ni Pemberton ay kasalukuyan nang ipinoproseso ng mga awtoridad.

Loading…