Parenting 101: Chito Miranda sumadya sa talahiban upang ihuli ng gagamba ang anak

Imahe mula sa Instagram | Chito Miranda
  • Mismong si Chito Miranda ang sumadya sa isang talahiban upang manghuli ng gagamba para sa kaniyang anak na si Miggy
  • Bago ito ay nakakuha ng gagamba mula sa palengke ang kaniyang asawang si Neri Naig
  • Tuwang tuwa naman ang kanilang anak nang masaksihan ang pagkain ng gagamba mula sa talahib sa gagamba mula sa palengke

Naging parte ng pagkabata ng marami ang panghuhuli ng mga gagamba at ang paglalaban ng mga ito. Kaya naman priceless ang kaligayahan ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda nang makita ang reaksyon ng anak na si Miggy sa nahuli niyang gagamba mula sa talahiban.

Imahe mula sa Instagram | Chito Miranda

Bago ito, ikinuwento ni Chito na matagal na siyang naghahanap ng gagamba ngunit hindi siya nakakakita nito. Isang araw ay umuwi raw ang kaniyang misis na si Neri Naig mula sa palengke na may dalang dalawang gagambang bahay.

“Nakita lang ni Neri ‘yong mga gagambang ‘yan sa palengke. Bumibili raw siya ng buko tapos nakita niya ‘yong mga gagamba sa bubong tapos ipinakuha niya sa tindero,” ani Chito.  “Hindi ‘yan ‘yong hanap ko pero ayos na rin kasi enjoy naman si Miggy.”

Sa comment section ay may nagpayo sa kaniya na subukan niyang maghanap ng gagamba sa gabi kaya naman ganito nga ang ginawa niya.

Imahe mula sa Instagram | Chito Miranda

Isinama niya sa gagamba hunting ang anak na si Miggy ngunit hindi niya na ito dinala sa  bandang talahiban dahil madilim na.

“Nakahuli ako ng dalawa! Malalaman natin in a while kung panlaban ba ‘yong mga gagambang nahuli ko, or mga gagambam-bahay rin na nag-camping lang sa wilderness.”

Sa sumunod na video post ni Chito ay makikita ang kaniyang anak na si Miggy na patalon-talon sa tuwa nang masaksihan ang pagkain ng gagamba mula sa talahib sa gagamba mula sa palengke.

“Success! Tuwang tuwa si Miggy at si Ate Pia. Feeling nila naglalaro kami ng Pokemon.”

Loading…