Peligrosong counterfeit spare parts ng motorsiklo at iba pang sasakyan, talamak ang bentahan

Screenshot mula sa GMA video
  • Milyun-milyong halaga ng counterfeit spare parts ng motorsiklo at iba pang mga sasakyan, nasamsam
  • Sa bisa ng search warrant ay nilusob ng NBI-IPRD ang isang bodega sa Bulacan kung saan itinatago ang mga pekeng piyesa
  • Maaaring mauwi sa aksidente sakaling ma-disrupt ang takbo ng sasakyan dahil sa mga piyesang pineke

Nilusob ng mga awtoridad ang isang malaking bodega sa Bocaue, Bulacan na pinaghihinalaang pinagtataguan ng mga fake spare parts ng mga motorsiklo at iba pang mga sasakyan. Kasabay na sinalakay ang ilang tindahan ng mga pekeng piyesa sa bayan ng Baliuag at sa Caloocan City.

Screenshot mula sa GMA video

Aabot sa limampung milyong piso ang halaga ng mga pinekeng spare parts ang natagpuan ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) sa naturang warehouse.

Sa bisa ng hawak na search warrant ay hinalughog ng mga NBI agents ang bodega at tumambad sa kanila ang kahong-kahong mga counterfeit spare parts na malawakang ibinebenta sa Metro Manila at sa ibang panig ng bansa

Isang kumpanya na distributor sa bansa ng original spare parts mula sa Japan ang nagreklamo at nagbigay ng impormasyon sa NBI hinggil sa mga pekeng piyesa ng mga sasakyan.

Kabilang sa mga nasamsam na piyesa ay mga bearing, valve seals, oil filters at iba pa.

Ayon kay NBI-IPRD chief Glenn Ricarte, gayang-gaya raw ang pagkakapeke sa mga piyesa. Hihingi umano sila ng permiso sa korte upang payagan na wasakin ang mga iyon upang hindi na magamit pa. Peligroso umano ang paggamit ng fake spare parts.

Screenshot mula sa GMA video

“Halos gayang-gaya kahit anong detalye pati ‘yung mga selyo. Itong mga nakumpiska natin, ito’y ipagpapaalam natin sa court for destruction. ‘Pag pinayagan tayo ng court, itong mga pekeng bearing ay hindi na magamit,” ani Ricarte.

Sabi niya, maaaring mauwi sa aksidente sakaling ma-disrupt ang takbo ng sasakyan dahil sa mga piyesang pineke.

Source :

Facebook, MSN

Loading…