Philippine Serpent Eagle nailigtas sa Sultan Kudarat

Imahe mula sa DENR Soccsksargen Facebook| Ella Dedelis & Uswag Tacurong
  • Nailigtas ang isang Philippine Serpent Eagle sa Sultan Kudarat
  • Nakita umano itong nakikipaglaban sa isang ahas bago nailigtas ng isang residente
  • Kaagad namang nai-turn over ang ibon sa DENR-12 Wildlife Rescue Center

Isang Philippine Serpent Eagle ang nailigtas ng mga concerned citizen sa bayan ng Tacurong, Sultan Kudarat nitong Linggo, ika-13 ng Setyembre.

Ayon sa ibinahagi ng DENR Soccsksargen sa kanilang Facebook page, nailigtas ang agila habang nakikipagbuno ito sa isang ahas sa Purok Narra sa Barangay Lancheta ng nabanggit na bayan.

Imahe mula sa DENR Soccsksargen Facebook| Ella Dedelis & Uswag Tacurong

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng DENR-12 Wildlife Rescue Center sa Lutayan, Sultan Kudarat ang ibon habang hinihintay pa itong sumailalim sa medical check up.

Subalit ayon kay Dr. Neil Velasco, in-house veterinarian ng SKSU Lutayan Campus, nasa maayos namang kalagayan ang agila.

Ang Philippine serpent eagle (Spilornis holospilus) ay isang uri ng agila na matatagpuan sa mga malalaking isla sa bansa. Ito ay karaniwang naninirahan sa mga gubat, open woodlands at sa mga lupaing may mga punong nakatayo.

Ang lahing ito ng agila ay endemic sa Pilipinas at tinatawag ding ‘Banog’ sa ibang lugar.

Imahe mula sa DENR Soccsksargen Facebook| Ella Dedelis & Uswag Tacurong

Noong Hulyo, isa ring Philippine Serpent Eagle ang nailigtas sa Barangay Kaangayan, Mahayag, Zamboanga del Sur. Natagpuan ito ng isang magsasaka sa isang palayan.

Ayon sa DENR-Zamboanga Peninsula, hindi maganda ang kalagayan ng ibon sapagkat sugatan ito; bali ang isang pakpak at nabubulag ang isang mata.

Kaagad naman itong dinala sa Pagadian City Veterinary Clinic para sa maayos na pangangalaga.

Ipinagbabawal ng batas ang pag-aalaga ng mga ganitong ibon, ayon sa Republic Act 9147, o ang “Wildlife Resource Conservation and Protection Act.” Ang sinumang mapatunayang lumabag dito ay papatawan ng kaukulang parusa.

Loading…