Pinas nagwagi ng ginto, iba pang karangalan sa 61st Int’l Math Olympiad

Image by Go for Gold: Philippine IMO Team via Facebook
  • Nakapag-uwi ng gintong medalya, dalawang pilak at tatlong honorable mentions ang Pilipinas sa 61st International Math Olympiad
  • Si Andres Rico Gonzales III ng De La Salle University Integrated School ang nakapag-uwi ng ginto para sa bansa
  • Pang-apat siya, overall, sa may pinakamahusay na performance sa kompetisyon

Nakasungkit ang Pilipinas ng isang gintong medalya, dalawang pilak na medalya at tatlong honorable mentions sa katatapos lamang na 61st International Math Olympiad (IMO) na naganap noong September 19 hanggang 28, 2020.

Image by Go for Gold: Philippine IMO Team via Facebook

Ginto ang napanalunan ni Andres Rico Gonzales III ng De La Salle University Integrated School at siya rin ang highest individual ranking for a Filipino contestant. Overall, pang-apat siya sa pinakamahusay ang naging performance sa kompetisyon.

Matatandaang noong nakaraang taon ay nakakuha ng pilak na medalya si Gonzales; honorable mention naman noong 2018.

Kabilang na siya ngayon sa mga Pinoy na nakapag-uwi ng gold medal sa IMO na kinabibilangan ni Albert John Patupat noong 2018, at nina Farrel Eldrian Wu at Kyle Patrick Dulay noong 2016.

Ayon sa IMO, may kabuuang 616 contestants ang naglalaban-laban mula sa 105 bansa ngayong taon; nakaplanong maganap ito sa Saint Petersburg, Russia pero napagdesisyunan na gawing online yamang may pandemya.

Nakakuha naman ng pilak na medalya sina Raphael Dylan Dalida ng Philippine Science High School – Main Campus at Bryce Ainsley Sanchez ng Grace Christian College.

Honorable mentions naman ang naiuwi nina Immanuel Josiah Baleta ng St. Stephen’s High School, Sarji Elijah Bona ng Palawan Hope Christian School /  De La Salle University Integrated School, at Vincent dela Cruz ng Valenzuela City School of Mathematics and Science.

Image by Go for Gold: Philippine IMO Team via Facebook

Noong nakaraang taon ay nakapag-uwi ng silver at limang bronze medals ang Pilipinas sa IMO na naganap sa United Kingdom.

Ang IMO ay kilala bilang ang pinaka-prestihiyoso at pinaka-mahirap na high school competition sa buong mundo. Nagaganap ito taun-taon sa magkakaibang bansa.

Image by Go for Gold: Philippine IMO Team via Facebook

Loading…