Pinay teacher sa Cambodia na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, nakabangon dahil sa atsara

Screenshot mula sa 24 Oras video
  • Halos mawalan ng pag-asa ang isang Pinay English teacher sa Cambodia nang magsara ang paaralan kung saan siya nagtuturo dahil sa COVID-19 pandemic
  • Naisipan ng guro na magtinda ng atsara at naging matagumpay ang negosyo niya
  • May mga ibang lahi ang gustong maging reseller ng kanyang atsara

Kapupulutan ng inspirasyon ang kwento ng isang Pinay English teacher sa Cambodia na sa gitna ng mga pagsubok na pinagdaan bunsod ng COVID-19 pandemic ay nakagawa ng paraan upang muling makabangon.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Halos mawalan na ng pag-asa si Tiffany Marie Jamaybay-Realis nang magsara ang paaralang pinagtuturuan nang magsimula ang pandemya noong Marso. May trabaho pa naman ang mister niya na isang factory worker sa Cambodia ngunit ang kinikita nito ay hindi sapat para sa kanilang mga gastusin, kabilang na ang pambayad sa renta ng bahay.

Napag-usapan na nga raw nilang mag-asawa kung kailangan na niyang umuwi sa Pilipinas.

“Nag-iisip na po kaming mag asawa kung gi-give up na po ako, kung kailangan ko na pong umuwi. Kasi hindi po sagot ng company niya ‘yung bahay, ‘yung visa, ‘yung working permit so, kahit wala po kaming trabaho kailangan po naming magbayad,” ani Tiffany.

Nabago ang takbo ng swerte ng pamilya ni Tiffany nang maisip niyang gumawa ng atsara. Nagsimula siya sa maliit na puhunang $20 o isang libong piso. Nakagawa siya ng 30 bote ng atsara at sa tulong ng mga kapwa Pinoy sa Cambodia ay naubos ang mga paninda wala pang 24 oras ang lumipas.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Ang puhunan niya ay na-triple sa loob lang ng isang araw.

Aniya, kalaunan ay hindi lang mga kapwa Pinoy ang bumibili ng atsara niya. May mga Chinese, Indonesians at Cambodians daw na gustong maging reseller.

“May gusto pong mag-resell sa amin na Chinese at Indonesian po. Actually po pati locals dito gusto po nila mag-resell,” ani Tiffany.

Kasunod ng tagumpay ng atsara ay naisipan niyang magbenta rin ng sariwang lumpia at ginataang bilo-bilo.

Screenshot mula sa 24 Oras video

Nagre-resell din siya ng peanut butter at longganisa na gawa ng mga kapwa Pinoy sa Cambodia upang matulungan din ang mga kababayan.

Ang kwento ni Tiffany ay isang patunay na kahit maliit ang puhunan ay maaaring magtagumpay ang isang negosyo.

Loading…