Pinoy pole vaulter naka-gold sa Czech Republic; mga Olympic medalists tinalo

Imahe mula sa Facebook ni EJ Obiena
  • Panalo ng gold medal ang Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena sa Czech Republic
  • Tinalo niya ang ilang Olympic medalists at maging ang reigning Olympic champion
  • Ito na ang pang-apat na medalya na nakuha ni Obiena ngayong season

Nag-uwi ng gintong medalya ang isang atletang Pinoy matapos talunin ang mga katunggaling Olympic medalists sa ginanap na 59th Ostrava Golden Spike tournament sa Czech Republic nitong Martes.

Tinalo ni pole vaulter EJ Obiena ang 2012 London Olympics champion at 2016 Rio Olympics silver winner Renaud Lavillenie ng France at two-time world champion at 2016 Rio Olympics bronze medalist San Kendricks ng Estados Unidos.

Tinalo ni Obiena si Lavillenie sa isang countback para makuha ang unang puwesto at gintong medalya  matapos parehong makapagrehistro ng 5.74 meters. Si Kendricks naman ang nakatanggap ng bronze medal para sa kaniyang 5.64 meters.

Imahe mula sa Facebook ni EJ Obiena

Ang reigning Olympic champion na si Thiago Braz ng Brazil ay pumang-apat lamang kaya nabigong makaakyat sa podium.

Ang 5.74 meter ang season best ni Obiena na mas mababa nang kaunti sa kaniyang personal best na 5.81 meter.

“Thank you God for the long awaited win. I offer this to your given grace,” bahagi ni Obiena sa kaniyang Facebook  page.

“Truly grateful for the gold medal win at the 59th Ostrava Golden Spike Tournament held at the Czech Republic, against the world’s bests in pole vault. Thank you Philippines, truly proud to represent you,” dagdag pa nito.

Imahe mula sa Facebook ni EJ Obiena

Ang 24 anyos na pole vaulter ay nakatakdang lumahok sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Ito na ang pang-apat na medalya ni Obiena ngayon kasalukuyang season. Silver medalist rin siya sa 13th Triveneto Meet sa Italya, bronze medalist sa Diamond League sa Monaco at pumangalawang muli sa isang virtual meet.

Nakatakda rin siyang lumahok sa Poznan Poland Competitions, sa Istaff Berlin Continental Tour sa Germany, Rome Diamond League at Doha Diamond League na pawang gaganapin ngayong buwan ng Setyembre.

Loading…