Pintor pumwesto sa gate ng Camp Crame upang magbenta ng mga obra

  • Isang pintor ang nagbebenta ng kaniyang mga paintings sa labas ng Camp Crame
  • Ibinebenta niya ang bawat isa sa halagang 2, 800 piso pataas
  • Ginawa niya ito upang kumita sa panahon ng pandemya

Bawat tao ay may taglay na talento at kakayahang maaari niyang magamit upang patuloy na masuportahan ang pang-araw-araw na pamumuhay, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya. Marami kasing nawalan o natanggal sa trabaho dahil hindi lamang usaping kalusugan ang naapektuhan  ng COVID-19 kundi maging ang ekonomiya.

Kagaya na lamang ng isang pintor na itinampok ng isang reporter ng GMA Network na naispatan niyang nakapuwesto sa bandang gate ng Camp Crame sa Quezon City, at nagtitinda ng kaniyang mga likhang-sining sa bangketa sapagkat wala naman siyang sariling lugar para sa isang art exhibit. Makikita ito sa Facebook post ni GMA News reporter Mark Makalalad.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Makalalad

Kinilala ang naturang masipag na pintor na si Raymond Santos, na nagtitinda ng kaniyang mga pinta sa halagang 2, 800 piso pataas. Aniya, pahirapan daw kasi ang kita sa panahon ng pandemya kaya kailangan niyang gawin ito.

“Naabutan ko kanina ang pintor na si Raymond Santos sa Bonny Serano Avenue tapat ng Camp Crame Gate 3.
Dala nya ang kanyang mga painting na binebenta sa halagang P2, 800 pataas… Wala syang permanenteng puwesto at tumatambay lang sa mga lugar na daanan ng mga sasakyan,” ani Makalalad.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Beautiful artwork! I love them all! How can I reach him? I wanna buy some.”

“Kapag may talent ka di ka magugutom. Diskarte lang talaga dapat lalo na ngayong pandemic. Keep it up po sana makabenta kayo nang marami,” wika naman ng isa.

Turan naman ng isa, “Mas maigi na iyan kaysa naman gumawa nang masama at labag sa batas. Manong taasan ninyo ang presyo at napakaganda ng gawa ninyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Makalalad

Bumaha tuloy ang mga nagkainteres na bumili ng paintings kay Santos. Kaya naman ibinigay niya ang kaniyang numero para sa koordinasyon para sa mga netizens na nagnanais makabili nito. Iyan ang diskarte at talentong Pinoy!

Loading…