PNP outpost nilagyan ng mga computer na libreng magagamit ng mga estudyante sa online classes

Imahe mula sa Manila PIO
  • Nagmistulang internet café ang isang PNP outpost sa Maynila dahil sa mga nakahilerang computers sa loob nito
  • Ang outpost ay bahagi ng proyekto ng MPD Station 7 na tinawag na Computer on Wheels
  • Ang mga computers ay libreng ipagagamit sa mga estudyante at guro sa lugar para sa distant blended learning

Isang outpost ng Manila Police District (MPD) ang nagmistulang internet café dahil sa mga desktop computers at laptop na naghilera sa loob nito na libreng ipagagamit sa mga estudyante para sa distant blended learning sa darating na pasukan.

Imahe mula sa Manila PIO

Ang mukhang internet shop na MPD Station 7, na tulad ng karamihang PNP outpost ay ginamitan ng shipping container, ay matatagpuan sa Abad Santos Avenue sa Tondo. Bahagi ito ng “Computer on Wheels” (COW) project ng naturang istasyon ng pulisya.

“COW will have computers, internet connection, printers and printing materials available for use of students within the vicinity for free,” ayon kay station commander Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III nang pasinayaan ang proyekto noong Biyernes, September 4.

Limang ASUS iCore7 na laptop at tatlong desktop computers na may printers ang nasa loob ng COW. Donasyon umano ito ni Nelson Guevara ng Federation Filipino Chinese Chamber of Commerce Inc.

Ani Lt. Col. Lorenzo, ang buong puwersa ng Station 7 ay tutulong sa mga guro at estudyante sa pag-print at pamamahagi ng mga kakailanganing learning modules.

Imahe mula sa Manila PIO

Ikinatuwa ng mga Barangay Chairman sa lugar ang proyektong ito ng MPD Station 7.

“Ayon po sa mga chairman, malaki po ang maitutulong nito kasi madami pa rin sa barangay nila ng mga students na wala access or walang computer. Balak rin po ng Police Station 7 na mag-adopt ng mga less fortunate na mga students para makatulong po kami sa kanila,” ani Lorenzo.

Bagama’t maliit lang kung tingnan ang outpost, tiniyak ni Lorenzo ang kaligtasan ng mga gagamit ng COW. Ipatutupad ang health protocols tulad ng social distancing, paglalagay ng barrier sa  pagitan ng mga computer table, alcohol dispenser at pagkuha ng temperature ng mga papasok sa pasilidad.

Imahe mula sa Manila PIO
Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…